Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang “President’s Report” nitong Huwebes, Nobyembre 13, na kasama ang Artificial Intelligence (AI) sa gagamiting makabagong reporma para sa mas pinabuting sistema sa flood control projects sa pamahalaan.
Ibinahagi ni PBBM na dalawang smart technology ang kasalukuyang tinitignan ng pamahalaan para sa mga bagong reporma na i-iimplementa sa sistema ng flood control projects.
Ang una ay ang AI na magbubusisi sa mga kontratang ihahain, na layong tingnan ang maayos na implementasyon ng mga proseso rito, habang ang isa naman ay titingnan ang kalidad ng mga materyales na gagamitin rito.
“Mayroon tayong nakita na bagong smart technology na ginagamit na ang AI. Tinitingnan niya ‘yong proseso no’ng kontrata, at kapag mayroong hindi tama ang takbo ng proseso ng kontrata, magfa-flag ‘yan para tingnan ulit ito, at magkukwestiyon kung maganda ba ang pag-implement ng proyekto,” paliwanag ni PBBM.
“Mayroon [din] tayong smart technology para tingnan kung ano ba talaga ang standard, kung maganda ba ang pagkaayos [ang proyekto]. Ito, tinitingnan kung talagang nilalagyan ng rebar, kung makapal ba talaga ‘yong konkreto, ‘yong semento, sa tamang specification,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng Pangulo na kasalukuyang bumubuo ng “Transparency Portal” ang pamahalaan na layong mabigyan ng access ang publiko sa mga proyekto ng pamahalaan.
Kabilang daw dito ang mga detalye ng mga kontratista at nagpapatupad ng tanggapan, lokasyon, at status ng proyekto.
“Bawat hakbang sa prosesong ito ay babantayan natin nang mabuti para pag may nakita tayong hindi tama o against the rules and regulations, makikita na natin kaagad at hindi na natin pababayaan na makikita lang after 2 or 3 years kagaya ng nangyayari ngayon,” paliwanag ng Pangulo.
Ipatutupad rin daw ang sistematikong reporma sa tatlong pangunahing larangan upang mas mapabuti ang kalinawan at kaligtasan ng mga datos, at ang pakikilahok ng mga mamamayan sa pagsubaybay sa mga proyekto.
Sumunod na binanggit ng Pangulo ay ang reporma sa design process para masigurado na “data driven” ang magiging batayan ng mga ihahaing proyekto.
Para naman daw mapalakas ang kompetisyon, katapatan, integridad, at maiwasan ang posibleng risk factors sa buong proseso, magkakaroon din ng reporma sa bidding at procurement.
Bilang pagtitiyak naman daw na nailalaan nang tama at maayos ang pondo ng pamahalaan sa mga proyekto, magkakaroon din ng reporma sa proseso ng pagbabayad.
“Marami tayong nakita [na] completed, bayad na, hindi mo naman mahanap ‘yong project, ‘ghost’ project, o kung may makita kang project, hindi [naman] kumpleto [at] substandard. Kaya’t pagtitibayin natin ang proseso para tiyakin natin na lahat ng kontrata ay ma-implement ng mabuti,” saad ni PBBM.
Dito ay tiniyak niya na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mag-inspeksyon sa mga proyekto.
“Gagamitin natin lahat ng paraan na nasa atin pati nga hanggang AI. Lahat ng smart technology na ating nakikita, na lumalabas, ay gagamitin natin lahat ‘yan,” aniya.
Sa kaniya ring ulat, binanggit ni PBBM na isa sa mga natutunang leksyon ng pamahalaan sa mga imbestigasyon na kasalukuyan nilang isinasagawa ay napagtanto niyang mas mainam na raw maging mabusisi kaysa magmadali at magkamali.
“Lahat naman tayo, nais makamtan kaagad ang hustisya, ngunit, kung may aral tayong natutunan sa nakaraan, ito ay ang mas mabuti na maging mabusisi tayo at tumagal ng kaunti, kaysa magmadali at magkamali,” ani ng Pangulo.
“Kinatatakutan namin na ‘yong mga alam natin na talaga kasabwat dito sa kawalanghiyang ito ay makakalusot sa kaso because of a legal technicality, dahil nagkamali tayo sa pagbuo ng ebidensya, dahil hindi maganda ang ating pagpresenta ng kaso o nakalimutan natin pumirma sa isang dokumento,” dagdag pa niya.
Sa maliliit raw na bagay na ito, nalalaglag ang kaso dahil dito.
Gayunpaman, tiniyak pa rin ni PBBM ang publiko na kapag nagsampa sila ng kaso, mananatili itong matibay at tiyak na mananagot ang mga masasampahan nito.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM takot, baka makalusot tunay na sangkot sa flood control scam dahil sa 'legal technicality'
Sean Antonio/BALITA