Tila sinalungat ni Sen. Imee Marcos ang naging pahayag ng kapatid na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na walang "Merry Christmas" ang mga sangkot sa flood control projects anomalies dahil sisiguraduhin nilang maipakukulong sila bago pa man sumapit ang Pasko sa Disyembre.
"“Alam ko, bago mag-Pasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yong kaso nila, buo na 'yung kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,” pagtitiyak pa ng Pangulo, sa naganap na "President's Report" nitong Huwebes, Nobyembre 13.
KAUGNAY NA BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM
Sa panayam ng media sa senadora nito ring Huwebes, nahingan siya ng reaksiyon at komento tungkol sa mga naging pahayag ng Pangulo kaugnay sa ulat sa nagaganap na flood control anomalies investigation.
Ayon kay Sen. Imee, may Merry Christmas pa rin dahil hindi kasama sa listahan ng kakasuhan ang pinsang si Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
"Hindi, may Merry Christmas, kasi 'di ba sabi niya [Pangulong Bongbong Marcos] na si dating Speaker Martin [Romualdez] ay hindi kakasuhan," anang Sen. Imee.
Nang igiit ng mga reporter na kung may makalap na ebidensya laban sa kaniya, sagot niya, "Pero so far, wala, so Merry Christmas pa rin."
Nang tanungin ulit kung "at least daw ay para sa pinsan niya," "Tiniwalag ko na 'yon!"
Sundot na tanong sa kaniya, kung ang tinutukoy bang walang Merry Christmas ay yaong mabababa ang ranggo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sila ang posibleng makulong.
"Oo, mga Assistant DE (District Engineer) pambihira, at sa mga RD (Regional Director)," aniya.
Nang mauntag naman kung may lawmakers bang kasama, "Ay ewan ko, hindi ba 'yon ang sabi? Ang sabi, kanina, mahaba raw 'yong listahan kaya hindi mabasa, pero wala pa rin."