December 13, 2025

Home BALITA National

‘Puro sa anomalya!’ Sumbong sa Pangulo website, binaha ng higit 20k reklamo, bida ni PBBM

‘Puro sa anomalya!’ Sumbong sa Pangulo website, binaha ng higit 20k reklamo, bida ni PBBM
Photo courtesy: RTVMalacanang (YT screenshot), MB

Nakatanggap na ng higit 20,000 hinaing mula sa maraming Pilipino ang “Sumbong sa Pangulo” website na programa ng Malacañang, ayon sa ulat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes, Nobyembre 13. 

Binanggit ni PBBM na dalawang linggo matapos ang kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2025, inilunsad ng Malacañang ang “Sumbong sa Pangulo” website para hikayatin ang publiko na diretsong i-report sa kaniya ang kanilang mga hinaing. 

Mula noon, nakatanggap na ng 20,078 report ang nasabing website. 

“Marami po sa ating mga naimbestigahan ay hindi po namin malalaman kung hindi niyo sinumbong sa amin,” saad ni PBBM. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Napakahalaga ng impormasyon na ibinibigay ng taong bayan sa ating pamahalaan na maraming impormasyon na hindi namin makukuha kung hindi sa inyo sumbong,” dagdag pa niya. 

Sa naging presentation din ng Pangulo, binanggit niya na kasunod nang pagtanggap ng mga hinaing, umikot na siya sa iba’t ibang lugar sa bansa para mag-inspeksyon sa kanilang flood control projects. 

“Napunta ako sa Iloilo, sa Calumpit (Laguna), at tsaka sa Baliwag (Bulacan). Doon, maliwanag, na isang mga halimbawa ng flood control project na hindi tinapos o ‘ghost project’ talaga, at naging basehan ng ating pagtuloy-tuloy na pag-imbestiga,” ani PBBM. 

Nang tanungin naman ng media hinggil sa mga dapat managot sa mga nasabing anomalya, tiniyak ni PBBM na isasapubliko ng Palasyo ang mga pangalan na dawit dito. 

“Sir, on your presentation, very noticeable po, marami sa mga pangalangang binanggit ninyom DPWH officials, contractors, pero kakaunti, if at all, ‘yong mga nabanggit na legislators,” apela ng isa sa mga miyembro ng media na nasa Palasyo. 

Sinagot ni PBBM na ibibigay niya ang kumpletong listahan sa media matapos ang kaniyang naging presentation. 

“They’re part of the list. We’ll give you the complete list. I just didn’t go through them because they’re like, 37 of them. Like I said, you’ll get a briefer which will give you more detail on all of the things I’ve said today,” pagtitiyak ng Pangulo. 

Itinanggi naman ni PBBM na kasama sa nasabing listahan ang House Speaker at kaniyang pinsan na Martin Romualdez nang kasunod itong tanungin ng media. 

“I don’t think so because the only evidence that has been against him is in the Senate. So, I don’t know. With the speaker, not as yet,” ani PBBM. 

“If something else comes out, then he might have to be answerable for something. So again, you know, we don’t file cases for optics. We file cases to put people in jail or to make people answer,” dagdag pa niya. 

Dito ay kinilala ng Pangulo ang kagustuhan ng publiko na makasuhan at mapanagot ang mga dawit sa mga katiwalian sa pamahalaan. 

“I know that there are many, many suggestions of who else we should file cases against. Well, we’re fine with that. Provide us the evidence and we will file cases against them,” saad niya. 

Muli, ay binaling ni PBBM ang kaniyang sagot sa “Sumbong sa Pangulo” website, at ang importansya raw nito para mapangalanan at maimbestigahan ang mga dawit sa mga anomalya at katiwalian. 

“Kaya’t sinabi ko, napakahalaga ‘yong ‘Sumbong sa Pangulo’ dahil marami kaming nakukuhang impormasyon d’yan. So, ipagpatuloy ninyo ‘yong inyong pagsumbong at bigyan niyo kami lahat ng ebidensya na mayroon kayo, para magamit natin, para kasuhan kahit sino,” ani PBBM. 

“Walang immune dito. Walang exempted dito sa mga imbestigasyon na ito,” pagtitiyak niya sa pagtatapos ng kaniyang mga ulat. 

Sean Antonio/BALITA