Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sila ay natatakot na ang mga taong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects at korapsyong nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay makalusot sa mga hinaharap nilang kaso.
Sa isinagawang presidential report ni PBBM kasama ang media nitong Huwebes, Nobyembre 13, tinitiyak mismo ng Pangulo na mananagot ang mga taong nasa likod ng naturang iregularidad.
“Alam ninyo, kinakatakutan namin na ‘yong mga alam natin na talagang kasabwat dito sa kawalanghiyaang ito ay makakalusot sa kaso because of legal technicality—dahil nagkamali tayo sa pagbuo ng ebidensya, dahil hindi maganda ang ating pagpresenta ng kaso, o nakalimutan nating pumirma sa isang dokumento—’yong nga maliliit na bagay na ganiyan, nalalaglag ang kaso dahil diyan,” panimula ni PBBM.
“Kaya tinitiyak namin na [ka]pag kami ay sumampa ng kaso, ‘yang kasong ‘yan ay hanggang sa dulo, ay matibay ang kaso—at kung sinuman ang mga guilty, ay sila naman talaga ay mananagot. Kung kailangan, kung huhusgahan sila ng Korte, ay makukulong sila,” karagdagan pa niya.
Sinisiguro din ng Pangulo na hindi mauuwi lamang sa wala ang mga imbestigasyon may kinalaman sa nasabing isyu. Aniya, titiyakin nilang sapat ang ebidensya upang sila ay maparusahan.
“Sa bawat segundo na ating ibinibigay sa imbestigasyon, tinitiyak natin na ang bawat kasong isasampa laban sa mga abusado ay may sapat na ebidensya, at hindi hahantong sa pagbabasura ng kaso. ‘Yon ang pinakamasamang resulta, ‘yong alam natin na guilty, ngunit nagkamali tayo sa pagbuo ng kaso, nagkamali ang DOJ o nakalimutan, ay mawawala’t masisira ‘yong kaso natin. Hindi natin mapapanagot at mapapasagot ‘yong taong ‘yon, o ‘yong kompanyang iyon. Pananagutin natin lahat nang may kasalanan,” anang Pangulo.
Sa parehong presidential report, iniisa-isa ni PBBM ang mga bagay na binibigyan nilang pansin ukol sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects at malawakang korapsyong ito.
“Sinampahan na natin ng kaso ‘yong mga may ebidensya tayo na mayroon silang kinalaman dito sa mga korapsyon na ito. Tinitiyak natin na ang kanilang ninakaw na pondo ay maibabalik sa pamahalaan upang magamit sa tama ang mga perang ‘yan,” saad ni PBBM.
“Naglagay tayo ng mga reporma para itong pangyayaring ito ay hindi na talagang mauulit,” aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA