December 12, 2025

Home BALITA National

PBBM, sinabing 'di lang korapsyon dahilan ng pagbaba ng ekonomiya; dahil din sa climate change!

PBBM, sinabing 'di lang korapsyon dahilan ng pagbaba ng ekonomiya; dahil din sa climate change!
Photo courtesy: RTVM/YT, PCO via MB


Tahasang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi lamang korapsyon ang dahilan kung bakit bumaba ang ekonomiya ng bansa, dahil salik din daw ang nararanasang climate change hindi lang ng Pilipinas, kung hindi ng buong mundo.

Kaugnay ito sa usapin ng ekonomiya ng bansa matapos matanong hinggil sa all-time low record ng piso kamakailan, ang mabagal na Gross Domestic Product (GDP) Growth sa ikatlong quarter ng taon, at ang pagsadsad ng stock market sa “pandemic levels,” sa ginanap na presidential report, kasama ang media nitong Huwebes, Nobyembre 13.

“The reason that we had that is that there was really a downturn in economic activity. You have to remember: it’s not only because of these problems. ‘Yong bagyo, ‘yong nawala na working days sa ekonomiya natin, because of climate change,” panimula ni PBBM.

“And you have also to remember the situation, the global situation. We are not the only ones [who are] suffering, the shocks that come from the new trade structure that has been imposed on the rest of the world—and so we are all adjusting to that,” karagdagan pa niya.

Sabi pa ng Pangulo, marami naman daw ginagawang hakbang ang administrasyon upang mabawi ang pagbaba ng ekonomiya ng Pilipinas.

“Kaya’t ‘yong mga growth rate na lahat ng, lahat ng grupo, all around the world is falling—but we will, we are, marami tayong measures na ginawa because the public spending now will be increased, and we [will] make sure that by the end of the year, the levels of public spending are according to our original plan,” anang Pangulo.

“So, mababawi natin ‘yong nawala sa third quarter,” pagtatapos niya.

Matatandaang kamakailan, naiulat ang all-time record low sa halaga ng piso kontra dolyar matapos itong sumadsad sa ₱59.170, habang lumagpak naman sa loob ng limang taon ang stock exchange rate ng ating bansa, na mas mababa pa kaysa sa tala noong panahon ng pandemya.

KAUGNAY NA BALITA: 'All-time low!' Halaga ng piso kontra dolyar, bumulusok sa ₱59.170!-Balita

KAUGNAY NA BALITA: PSEi, lagpak ng 5 taon—mas mababa kaysa sa tala noong pandemya!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA