Sa unang pagkakataon, nagsagawa ng inspeksyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga proyekto sa flood control sa Ilocos Norte nitong Huwebes, Nobyembre 13, 2025.
Pinangunahan ni ICI Special Adviser Rodolfo Azurin Jr., kasama sina Public Works Undersecretary Arthur Bisnar, ilang lokal na engineer, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang inspeksyon sa tatlong magkakaugnay na proyekto at isang hiwalay na estruktura sa bayan ng Nueva Era.
Ang lahat ng naturang proyekto ay itinayo ng mga kompanyang pag-aari ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya.
Sinabi ni Azurin na wala silang nakitang malinaw na senyales ng pinsala dahil umano ay naipaayos na ang mga estruktura bago pa man sila dumating.
“Na-report na nagiba two months ago pero pagdating natin na-repair. So ibig sabihin this is part of the warranty of the contractor,” ani Azurin.
Paglilinaw pa ni Azurin, hindi nangangahulugang nalinis na sa pananagutan ang kontratista dahil lamang sa isinagawang inspeksyon.
Iniutos din nina Magalong at Azurin ang pagsukat ng mga bakal, pati na ang lapad ng bawat segment at dike, upang matiyak kung tugma ang ginamit na materyales sa itinakdang pamantayan.
“May maiiwan dito na nga kasama namin na engineers, katuwang nila yung mga PNP, AFP, babalikan nila ito para tignan nila yung plano para sa gayon doon nila ibabangga kung tama yung location and then dun nila titignan kung yung specifications in terms of materials ay nasunod din,” saad ni Azurin.
Ayon pa kay Azurin, humigit-kumulang 150 proyekto sa flood control na nagkakahalaga ng ₱9 bilyon ang naipatupad sa Ilocos Norte mula 2016 hanggang 2025.
Dagdag pa niya, uunahin ng ICI na repasuhin ang mga proyektong itinayo ng mga kompanya ng mag-asawang Discaya.
Aniya, “Ang tanging basis po natin ngayon ay mga records na nasa database ng ng central office at records ng regional district offices. Kung bakit sila ang nanalo sa bidding ey di pa natin masabi sa ngayon.”
Napag-alaman ng mga awtoridad na karamihan sa mga proyekto sa Nueva Era ay gawa ng mga kompanyang pag-aari ng mga Discaya. Dahil dito, sisilipin din ng ICI ang proseso ng bidding upang alamin kung paano nakamit ng mga kompanya ang mga kontratang ito.
Bukod sa Nueva Era, nakatakda ring inspeksyunin ng ICI ang mga proyekto sa flood control sa bayan ng Vintar, pati na ang mga solar street lamp, upang beripikahin kung sumusunod ang mga ito sa aprubadong plano at kontrata, at kung may katotohanan ang mga ulat ng overpricing.