December 13, 2025

Home BALITA National

Mga natenggang heavy equipment ng DPWH noon pang 2018, ipagagamit nang maayos—Sec. Dizon

Mga natenggang heavy equipment ng DPWH noon pang 2018, ipagagamit nang maayos—Sec. Dizon
Photo courtesy: DPWH/FB, Bongbong Marcos/FB


Siniguro ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na gagamitin nila nang maayos ang mga natenggang heavy equipment na aabot sa 200 ang bilang, na siyang makatutulong upang ibsan ang baha sa iba’t ibang parte ng bansa.

Kaugnay ito sa isinagawang pagkumpiska ng mga naturang kagamitan matapos mapag-alaman mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na natengga lang ito sa mga warehouse ng ahensya mula pa noong 2018.

KAUGNAY NA BALITA: 'Di Nagamit?' PBBM, kinumpiska natenggang heavy equipments ng DPWH noon pang 2018-Balita

“Ang Kontra Baha Operation ay 9 months po ito every year, ‘no, simula po ngayon hanggang sa susunod na taon bago mag-tag-ulan ulit, so 2026. Tuloy-tuloy po nating una, lilinisin itong mga water way natin, at para diyan, kailangan natin ng maraming heavy equipment,” ani Sec. Dizon sa panayam ng DZMM Teleradyo nitong Huwebes, Nobyembre 13.

“At ‘yon nga, nag-report po ako sa Pangulo na marami palang heavy equipment ang DPWH na nakatengga lang sa mga warehouse, dahil ito po ay mga donation po ng ating mga partner agencies tulad ng World Bank—pero para po daw dapat ito sa ‘The Big One,’ pero nakatago lang doon. So ang sabi ko, hindi pupuwede ‘yan! Ire-report ko sa Pangulo, ang sabi ng Pangulo, ilabas na ‘yan, gamitin na natin dito sa malawakang operasyon na ito, so, ‘yon na po ang ginawa natin,” karagdagan pa niya.

Ayon pa raw sa Pangulo, dapat daw na dagdagan pa ang naturang heavy equipment dahil tiyak na kakailanganin ang mga kagamitang ito para sa mga susunod pang taon.

Ayon din kay Sec. Dizon, ikakasa sa susunod na taon ang pagbili ng mga bagong kagamitan, ngunit pansamantala munang gagamitin ng ahensya ang mga natenggang equipment tulad ng dredgers at dump trucks.

Isiniwalat din ng kalihim na nakausap nila ang donors ng naturang kagamitan, at sinabing walang problema na ito ay kanilang gamitin, basta’t magagamit daw nila ito sa tamang paraan.

“Ang sabi ho kasi, ‘yon daw po ang kondisyon ng donation. Pero ‘yon po ay kinausap naman po natin ang ating mga donor, ‘yong World Bank, at sabi naman po nila basta po gagamitin lang sa tama at siguraduhing mame-maintain, at ‘yong hindi masisira, at kung may mangyari man ay magagamit agad-agad, e wala po silang problema, kaya ‘yon po ang ginawa natin. In-assure po natin sila na ime-maintain po natin nang tama itong mga equipment na ito,” anang kalihim.

Vincent Gutierrez/BALITA