Pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang pagdiriwang para ika-90 taong pagkakatatag ng Office of the Vice President (OVP) mula noong 1935.
Ayon sa video statement na ibinahagi sa publiko ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Nobyembre 13, binalikan niya ang mga pinagdaanan ng nasabing opisina sa mula sa panahon ng digmaan hanggang sa panahong kasalukuyan.
“Bawat Pangalawang Pangulo ay naglayag sa kani-kanilang natatanging panahon at hamon—mula sa pagbangon pagkatapos ng digmaan hanggang sa mga krisis at rebolusyon—at bawat isa, sa pamamagitan ng personal na dedikasyon, ay pinalawak ang kakayahan at mandato ng Tanggapang ito,” aniya.
Pagpapatuloy ni VP Sara, pinatunayan daw ng OVP ang tunay na kapangyarihan na nakakamit sa pamamagitan ng serbisyo publiko.
Inaanyayahan din niya na makibahagi ang publiko sa anibersaryo ng pagkakatatag ng nasabing tanggapan.
“Bisitahin ang aming mga Pop-Up Exhibits sa mga pangunahing lungsod sa buong bansa upang saksihan ang mga kuwento, dokumento, at artifacts na nagpapakita ng hindi matatawarang kontribusyon ng ating mga dating Pangalawang Pangulo,” pag-anyaya ng Pangalawang Pangulo.
Pag-iisa-isa ni VP Sara, ibinida niya ang kasalukuyan nilang pagsusulong para sa kanilang OVP museum, OVP office, at OVP charter.
Anila, layunin ng kanilang tanggapan na ingatan ang kasaysayan, mga artifact, at legasiya ng OVP naitala ng OVP para umano sa susunod na henerasyon.
Dagdag pa ang pagpapatibay raw ng kanilang opisina upang maging instrumento ito para sa serbisyo-publiko ng mga susunod pang namumuno rito.
Ganoon din ang pagmandato sa mga lehislatibo sa ilalim ng OVP upang patuloy ng kilalanin ng konstitusyon at ng Pamahalaan.
“These initiatives are our commitment to democratic institution-building. Strengthening this office will allow us to serve you better, more efficiently, and with greater impact,” paliwanag niya.
“Magtulungan tayong itaguyod ang kinabukasan ng ating bansa. Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: ‘Paperless!’ OVP, tumanggap ng 5 parangal sa 2025 Productivity Challenge
MAKI-BALITA: Kalusugan Food Truck ng OVP, naghatid ng pagkain sa mga nasalanta ng Uwan sa Tondo
Mc Vincent Mirabuna/Balita