January 24, 2026

Home FEATURES

KILALANIN: ‘Gusto ko, happy ka!’ Sino si Juan Ponce Enrile?

KILALANIN: ‘Gusto ko, happy ka!’ Sino si Juan Ponce Enrile?
Photo from MB Archives

Kinumpirma ni Katrina Ponce-Enrile ang pagpanaw ng kaniyang ama na si dating Senate President Juan Ponce Enrile nitong Huwebes, Nobyembre 13, 2025.

"It is with profound love and gratitude that my father, Juan Ponce Enrile, peacefully returned to his Creator on November 13, 2025, at 4:21 p.m., surrounded by our family in the comfort of our home," saad ni Katrina sa kaniyang social media post. 

Matatandaang ibinahagi pa ni Sen. Jinggoy Estrada sa sesyon nila sa Senado noong Martes, Nobyembre 11, na dinala raw si Enrile sa Intensive Care Unit (ICU) at sama-sama pang nanalangin ang mga senador para sa paggaling ni Enrile sa pangunguna ni Sen. Joel Villanueva.

MAKI-BALITA: ‘Slim chances of surviving,’ Enrile, nasa ICU—Sen. Jinggoy Estrada

Trending

ALAMIN: Ang pagtaob at pagkawala ng MBCA Amejara sa Davao

Bukod sa mga impormasyong kapanganakan noong Pebrero 14, 1924, anak nina Alfonso Ponce Enrile at Petra Furagganan, at isa sa itinuturing na pinakamatatag na pigura sa mundo ng pulitika, sino at ano nga ba ang legasiyang iminarka ni Juan Ponce Enrile? 

Photo from MB Archives

Photo from MB Archives

Matatandaang noong 2024, masayang ipinagdiwang ni Enrile ang pagkakaabot niya sa edad na 100-anyos at kung susumahin ay eksaktong isang siglo ito sa selebrasyon ng kaniyang pag-iral sa mundo. 

MAKI-BALITA: Isang siglong Enrile

Bata pa man, makikitaan na ng potensyal si Enrile sa pamamagitan ng pagiging top notch niya sa mga pinasukan niyang unibersidad. Cum Laude sa kaniyang associate of arts degree sa Ateneo de Manila University, cum laude rin sa law degree niya sa Unibersidad ng Pilipinas, at naging iskolar sa master of laws sa tanyag na universidad sa Harvard. 

Nasimulang pasukin ni Enrile ang mundo ng pulitika noong 1966 kung saan ay nanilbihan siya bilang personal legal affairs liaison ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., at kalauna’y itinalaga bilang undersecretary of finance sa panunungkulan ng nasabing pangulo. 

Simula rito, mahigit anim (6) na dekadang naging parte ang pangalan ni Enrile sa mundo ng politika. Idagdag na rin diyan ang pagkakataong nagawa niyang manilbihan sa dalawang Gabinete ng naging magkasunod na pangulo noon ng bansa na sina dating Pangulong Marcos, Sr., at dating Pangulong Corazon Aquino. 

Photo from MB Archives

Photo from MB Archives

Pinamunuan noon ni Enrile ang iba’t ibang departamento sa mga nasabing administrasyon at naging parte rin siya ng Kongreso bilang district representative o kung hindi man ay assemblyman ng kaniyang balwarte ng Cagayan o ng rehiyon ni Enrile noong 1978, 1984, at 1992.

Sinasabing malaki rin ang papel na ginampanan ni Enrile sa Batas Militar noong Setyembre 21, 1972. Dahil ang umano’y pekeng pag-ambush sa kaniya sa Wack Wack Subdivision sa Mandaluyong ang nagsilbing dahilan umano para maipatupad ito ni Marcos, Sr. sa buong bansa at dahil rito ay nakuha ni Enrile ang bansag bilang “arkitekto ng Martial Law.”

Itinalaga rin si Enrile bilang senador sa pagitan ng mga taong 1987, 1995, 2004, at 2010. 

Photo from MB Archives

Photo from MB Archives

Isama mo pa ang pagiging Senate President niya sa Mataas na Kapulungan noong Nobyembre 17, 2008 sa 14th Congress nang palitan niya si dating SP Manuel Villar, muling ihalal bilang SP noong Hulyo 26, 2010 sa 15th Congress, at magretiro sa nasabing posisyon noong Hunyo 5, 2013 nang punahin siya ng apat na mambabataas noon na sina Miriam Santiago, Antonio Trillanes IV, at magkapatid na Pia at Alan Cayetano.

Matapos nito, agad na pumutok ang pangalan ni Enrile sa parehong taon nang madawit siya sa mga sangkot sa kontrobersyal noon na Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam o “pork barrel scam” kung saan ay tumanggap daw ng siya ng kickbacks ng nagkakahalagang ₱172 milyon. 

Nakulong si Enrile simula noong Hulyo 2014 ngunit kalaunan ay pinayagang makapagpiyansa ng Korte Suprema noong Agosto 2015 dahil sa humanitarian grounds,  pagkonsidera nila sa edad at kalusugan ni Enrile. 

Sumubok muling tumakbo ni Enrile bilang senador ngunit natalo sa eleksyon noong 2019. 

2022, itinalaga siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang chief presidential legal counsel at nagserbisyo na administrasyon ng nasabing Pangulo. 

Oktubre 2025, pinawalang-sala ng Sandiganbayan ang kaso ni Enrile kaugnay sa natitira niyang graft charges tungkol sa P172.8 milyong public funds na may konektado pa rin sa pork barrel scam.

Kabilang sa mga kasama ni Enrile na pinawalang-sala ng anti-graft court’s Special Third Division ay sina Janet Lim Napoles at dating chief of staff ni Enrile na si Jessica Lucila "Gigi" Reyes.

Nobyembre 13, 2025, pumanaw si Enrile sa edad na 101-anyos. Isang taon at isang siglong pananatili sa mundo at mahigit kalahati ng kaniyang buhay-politika. Kung susumahin, hindi sasapat ang isang artikulo para sa mga nakamit, pagiging tanyag, at pagbagsak niya. 

Ngunit hindi lahat ng mabilis na lumisan ay silang malilimutan at hindi lahat ng nagtagal ay silang matatandaan. 

At sa dinami-rami na niyang pinagdaanan sa mundong ibabaw, ano kaya ang pinakang hindi malilimutan ng isang taong nabuhay nang mahigit isang siglo? 

Siguro ay ito, ang sikat niyang litanya na ginamit niya noon sa nakaaraang pagtakbo niya sa eleksyon:

“Gusto ko, happy ka.” 

MAKI-BALITA: ALAMIN: ‘Words of wisdom’ mula kay Juan Ponce Enrile, ang naging ‘longest serving politician’ ng bansa

MAKI-BALITA: ‘Slim chances of surviving,’ Enrile, nasa ICU—Sen. Jinggoy Estrada

MAKI-BALITA: 'Lusot na!' Enrile, Napoles, atbp, acquitted na sa PDAF scam

Mc Vincent Mirabuna/Balita