Pumalo na sa higit walong milyon ang bilang ng mga taong naapektuhan ng mga bagyong Tino at Uwan, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, Nobyembre 13.
Sa nasabing tala ng NDRRMC, 4,263,991 indibidwal o 1,224,877 pamilya ang naapektuhan ni Tino sa 7,918 barangay sa siyam na rehiyon sa bansa.
Habang 4,678,142 indibidwal o 1,332,223 pamilya ang naitalang naapektuhan ni Uwan sa 11,661 barangay sa 16 rehiyon sa bansa.
Ayon din sa NDRRMC, sa kabuoang bilang ng mga apektado ng mga bagyo, 2,311,340 indibidwal o 669,725 pamilya ang naitalang nawalan ng bahay, na mas mababa sa mga nagdaang tala ng ahensya na 955,105 indibidwal o 263,019 pamilya.
Mga nasawi dahil kay Tino at Uwan
Ang bilang naman ng mga nasawi dahil kay Tino ay umabot na sa 232, na karamihan ay mula sa probinsya ng Cebu.
Habang 27 naman ang naitalang namatay dahil kay Uwan, na karamihan ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Bilang ng mga nawalan ng kuryente
Ayon naman sa latest report ng National Electrification Administration (NEA) nito ring Huwebes, 1,707,435 katao ang apektado ng pagkawala ng kuryente matapos manatili sa ilalim ng power shutdown ang electric cooperatives (EC) na CASURECO IV (Camarines Sur) at MOPRECO (Mountain Province) ilang araw matapos ang pagdaan ni Uwan sa bansa.
Ipinakita rin ng NEA na dahil rin sa total power shutdown na ito, walong rehiyon ang naapektuhan.
Ang mga rehiyon na ito ay binubuo ng: Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at Eastern Visaya.
Bilang solusyon, higit 200 personnel mula sa Task Force Kapatid (TFK) teams mula sa mga nasabing EC ay agarang kumikilos para maisaayos ang power restoration sa mga lugar na ito.
Sean Antonio/BALITA