Naniniwala si Vice President Sara Duterte na kailangang isama si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa mga kasong katiwalian dahil inaprubahan nito ang 2025 national government budget.
“Aminin na niya—aminin na niya na ano talaga—meron siya pagkukulang. Hindi lang maliit na pagkukulang, malaking pagkukulang," tahasang sabi ni Duterte sa isang media interview sa Cebu City nitong Huwebes, Nobyembre 13, sa ulat ng Manila Bulletin.
“Mayroon siyang malaking pagkukulang sa kaniyang trabaho para sa ating bayan kaya pwede na niya ikulong ang sarili niya," dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ng bise presidente na si Marcos ang lumagda bilang batas sa 2025 General Appropriations Act (GAA) kung saan ginawa ang mga insertion ng budget.
“Sa iyo palang, Presidente ka, 'pag dumating yan sa harap mo… meron kang mga tao na isa-isa, titingnan lahat yun. Tama ba ito? Tama ba ito? Bago mo siya pirmahan," anang bise presidente.
Dagdag pa niya, “Therefore, lahat ng mga anomalya doon, kasama iyong Pangulo. Kasi naging batas lang naman yun dahil sa pirma niya eh. Kung hindi niya pinirmahan iyon, hindi naging batas iyon. Hindi magagamit iyong pera."
Samantala, ayon sa naging report ni PBBM kaugnay sa tatlong (3) buwan nilang pag-iimbestiga sa flood-control anomalies nito ring Huwebes, sinabi niyang nagtuon sila sa pagasagawa ng tatlong bagay upang lutasin ang nasabing korapsyon.
“Pananagutin natin lahat ng may kasalanan. Ibabalik natin,” saad niya.