Sa kauna-unahang pagkakataon, isinalaysay at ibinahagi ng kontrobersiyal na aktres na si AJ Raval kung paano nagsimula ang love story nila ng partner na si Aljur Abrenica, sa Wednesday episode ng "Fast Talk with Boy Abunda."
Kuwento ni AJ, nagkakilala sila ni Aljur sa shooting ng pelikulang "Nerissa" noong June 2022, kung saan magkapatid pa nga raw ang roles nila.
Nagtataka raw si AJ kung bakit laging may bulaklak sa loob ng kahon ng mga gamit niya sa taping. Akala raw niya, bigay lang ng fans dahil usually raw, ganoon ang ibinibigay ng fans at supporters sa probinsya.
Sa huling araw daw ng shooting day, kumatok daw mismo si Aljur sa kuwarto ni AJ at binigyan siya ng bulaklak na rosa na pinitas lang ng aktor sa kung saan.
Nang tanungin ni Boy kung nagsalita o kinibo na raw ba siya ni Aljur nang mga sandaling iyon, hindi pa rin daw at basta inabot lang kay AJ ang rosas!
Saka lang nakipag-usap sa kaniya si Aljur nang magkaroon ulit ng reunion ang cast at production team ng kanilang pelikula. Nang mga sandaling iyon, pinupuntahan na rin ni Aljur ang nanay ni AJ pati ang tatay niyang si action star Jeric Raval. Tila unang "niligawan" ni Aljur ang mga magulang niya.
Sumunod daw, pinupuntahan na siya ni Aljur sa bahay nila sa Pampanga, mula sa Batangas.
Nang tanungin kung nagustuhan na raw ba agad niya si Aljur simula pa lang nang bigyan siya ng rosas, sinabi ni AJ na hindi pa raw dahil hindi siya assumera at pinroseso pa kung bakit siya binibigyan ng bulaklak ng aktor.
Hindi naman daw niya tiningnan ang pagkakaroon na ng mga anak ni Aljur sa estranged wife itong si Kapuso actress Kylie Padilla. Aminado naman din si AJ na para sa kaniya, sobrang guwapo ni Aljur kaya pumayag na rin siyang magpaligaw sa kaniya.
Sa nabanggit na panayam, naglakas-loob na rin si AJ na amining may anak na sila ni Aljur, at hindi lamang dalawa kundi tatlo.
Bukod dito, inamin din ni AJ na may nauna na siyang dalawang anak sa naunag relasyon na hindi na niya idinetalye kung sino. Ang panganay na anak na si Ariana ay pitong taong gulang na habang si Aaron naman ay isa nang "angel" dahil sumakabilang-buhay agad.
KAUGNAY NA BALITA: 'Not just 1, not just 2, but 3!' AJ umamin na, nakatatlong anak na kay Aljur!
KAUGNAY NA BALITA: Dalawa sa iba, tatlo kay Aljur: AJ Raval, umaming nakalimang anak na!
Samantala, agad ding nag-react ang estranged wife ni Aljur patungkol sa rebelasyon ni AJ.
Aniya, "Aniya, matagal na raw niyang alam ang tungkol dito subalit mas pinili niyang manahimik para sa kapakanan ng mga bagets.
Proud daw siya sa dalawa dahil finally, hindi raw kailangan pang magtago.
Sagot ni Kylie, "Ito lng po comment ko para matapos na matagal ko na pong alam pero syempre inuna po namin ang kapakanan ng mga bata."
"Sobrang close sila at yun pinaka importante. Happy that now di na kailangan mag tago. Proud of you peace all around. Sana matapos na drama."
KAUGNAY NA BALITA: Kylie sa 'anak issue' nina AJ at Aljur: 'Matagal ko na alam, happy that now di na kailangan magtago!'
Matatandaang noong Hulyo 2021, nagulantang ang showbiz nang maghiwalay ang dalawa, at pagkatapos ay pumasok naman sa eksena si AJ nang maispatan sila ni Aljur na naglalakad sa isang mall habang maghawak ng kamay.
Nilinaw naman ni Kylie na walang kinalaman si AJ sa nasirang relasyon nila ni Aljur, matapos batikusin ng mga netizen ang Vivamax star at akusahang "kabit" at "third party."
Makailang beses ding itinanggi ni AJ ang mga tsikang pinakawalan ng showbiz insider na si Cristy Fermin na nagbuntis at nanganak siya sa anak nila ni Aljur.
Nitong 2025, "nadulas" sa isang panayam ang tatay ni AJ na si action star Jeric Raval at nasabi niyang may dalawa na siyang apo kina AJ at Aljur.
Nang tanungin naman si Aljur tungkol dito nang makuyog ng media, sinabi niyang hindi siya galit kay Jeric, pero hindi pa siya komportableng pag-usapan ang tungkol dito.