Nagpaabot ng financial assistance na aabot sa ₱10.5 milyon ang Chinese Consulate sa Cebu, para sa mga naapektuhang ospital ng nagdaang magnitude 6.9 na lindol sa probinsya kamakailan.
Sa ibinahaging Facebook post ng Cebu Province nitong Huwebes, Nobyembre 13, tatlong ospital ang makikinabang sa naturang donasyon ng konsulado.
Nasaad din sa post na nagsagawa ng isang simpleng turnover ceremony ang lokal na pamahalaan ng Cebu, na pinangunahan ni Governor Pamela Baricuatro.
Sa nasabing seremonya, personal na inihatid ni Chinese Consul General Zhang Zhen ang donasyon sa lalawigan.Ang naturang tulong ay paghahatian ng Cebu Provincial Hospital (CPH) Danao, Juan B. Dosado Memorial Hospital in Sogod, at Daanbantayan District Hospital, kung saan makatatanggap ang bawat ospital ng ₱3.5 milyon.
Nagpahayag naman ang consul general hinggil sa donasyong ipinamahagi nito sa mga ospital ng naturang probinsya.
“We are pleased to make this donation. We are witnesses to the resilience of Cebu. In the spirit of friendship and community, we make this contribution in the hope that it can help you in your work,” ani Consul General Zhang.
Ayon sa Capitol’s public health consultant na si Dr. Nikki Catalan, napili ang tatlong ospital na nabanggit sapagkat ang mga ito ay nasa listahan ng mga pasilidad na naapektuhan ng lindol noong Setyembre 30, na siyang ipinadala nila sa konsul.
Matatandaang kamakailan, naghatid ng 16 truckloads ng relief goods at financial aid na aabot sa ₱3.9 milyon sa Cebu ang lokal na pamahalaan ng Davao City, na siyang ipinagpasalamat naman ng probinsya.
KAUGNAY NA BALITA: Davao City LGU nagpadala ng 16 trucks ng relief goods, ₱3.9M financial assistance sa Cebu-Balita
KAUGNAY NA BALITA: 'Daghang salamat, Davao City!' Cebu, nagpasalamat sa tulong ng Davao City LGU-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: Cebu Province/FB