Umabot sa 51.2 tonelada o 22 truck ng basura ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Parkways Clearing Group sa buong Metro Manila matapos ang pananalasa ng bagyong Uwan.
Karamihan sa mga basurang ito ay mga plastic, styrofoam, at goma, na inanod at natambak sa dalampasigan ng Dolomite Beach sa Manila Bay matapos ang pagdaan ni Uwan.
Ang iba naman dito ay natagpuan na palutang-lutang malapit sa angkla ng mga yate.
Kaya sa social media ng MMDA, pinalalahanan nila ang publiko na ang maayos na pagtatapon ng mga basura ay malaking hakbang para maiwasan ang malalang pagbabaha.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy ang kanilang paglilinis ng mga kalsada at daluyan ng tubig para sa mas maayos at ligtas na kapaligiran.
Sa kaugnay na ulat, inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang ₱5,000 multa para sa mga mahuhuling iligal na nagtatapon ng kanilang basura sa mga pampublikong lugar, noong Setyembre.
“Kung hindi po natin didisiplinahin ang ating mga mamamayan at patuloy lang silang magtatapon ng basura sa ating mga ilog, mga creek ay paulit-ulit din nating mararanasan ang problema ng pagbabaha,” saad ni San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora.
“Mayroon pong tamang lugar na mapagtatapunan. Wag po sa mga ilog, ‘wag po sa mga creek, canal, at daluyan ng tubig sapagkat ‘yan po ay magiging dahilan ng patuloy na pagbabaha po rito sa Metro Manila,” paalala ng Alkalde.
KAUGNAY NA BALITA: ₱5,000 multa sa iligal na pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar, kasado na sa Metro Manila
Sean Antonio/BALITA