Pansamantalang ipinasara ng Quezon City local government unit ang 14 na lechonan sa La Loma, Quezon City dahil may mga baboy na positibo sa African Swine Fever (ASF).
Sa isang pahayag ng lokal na pamahalaan nitong Huwebes, Nobyembre 13, sinabi nitong nagsagawa ng pagsusuri ang kanilang Veterinary Department katuwang Bureau of Animal Industry (BAI) bilang bahagi ng kanilang regular na inspeksyon.
Natuklasan anila na may mga baboy na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) kung kaya't inirokemenda na isailalim sa culling ang mga baboy upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Bunsod nito, naglabas ang Quezon City Business Permits at Licensing Department ng Temporary Closure Order sa 14 na lechonan noong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 12, alinsunod daw ito sa BAI, CVD, at City Health Department.
Gayunpaman, hindi nabanggit ng LGU kung ano-anong lechonan ang ipinasara.
Samantala, tiniyak din ng lokal na pamahalaan na nananatiling isolated ang ASF sa lugar at walang banta ng naturang sakit sa iba pang pamilihan sa lungsod, at anila hindi naipapasa tao sa ASF virus.
"Tinutulungan na ng lokal na pamahalaan ang mga negosyante, para matiyak na susunod sa health and safety protocols ang mga lechonan nang muli silang makapag-alok ng de-kalidad na pagkain sa publiko," ayon pa sa Quezon City LGU.