Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte sa publiko na mayroon siyang maaaring irekomendang abogado kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sakali mang magkatotoo ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa naging panayam ng media kay VP Sara sa Himamaylan, Negros Occidental noong Martes, Nobyembre 11, sinabi niyang pinaghahanda na rin niya si Dela Rosa na pumili ng international law expert at may karanasan sa ICC.
“Sinabi ko sa kaniya din na ang paghahanda niya magsisimula sa pagpili niya ng isang international law expert at merong experience sa ICC na abogado para nabibigyan siya ng advice kung ano ‘yong mga dapat niyang gawin,” saad niya.
Ani pa ni VP Sara, tinawagan niya raw noon si Dela Rosa ngunit nakausap niya ang anak nito at sinabi niyang mayroon daw siyang mairerekomendang abogado sa senador.
“Sinabi ko kay Macky na kung interesado man si Senator Bato dela Rosa ng abogado ay meron akong mare-recommend sa kanya na isang British counsel doon based sa England, yung international law expert,” pagbabahagi pa niya.
Matatandaang tila naglabas ng patikim si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa hakbang na ikinakasa umano ng ICC laban kay Dela Rosa.
MAKI-BALITA: 'Ano ba talaga, Kuya?' Remulla at Remulla, nagkontrahan sa hakbang ng ICC kay Sen. Bato!
Sa isang panayam sa radyo noong Sabado, Nobyembre 8, sinabi ni Ombudsman Remulla na mayroon nang arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa.
Ngunit ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na anumang red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol), na karaniwang nagpapatunay at nagpapadala ng abiso kung may ipinapatupad na international arrest request.
Dahil dito, naglabas ng pahayag ang kampo ni Dela Rosa at sinabi nilang wala pa raw kumpirmasyon tungkol sa nasabing balita at pinaalalahanan nila ang publiko na huwag agad itong bigyang-kahulugan hangga’t hindi pa naglalabas ng opisyal na kaso ang ICC.
MAKI-BALITA: Kampo ni Sen. Bato sa arrest warrant ng ICC: 'If proven true, we trust the PH govt!'
“At this point, we do not have independent confirmation as to whether or not this information is accurate. We therefore urge the public and the media to exercise caution and restraint in sharing or interpreting such reports until verified information is officially released by competent authorities or by the ICC itself,” giit niya,” ayon sa Facebook post ng counsel ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon noon ding Sabado.
Bukod pa rito, nilinaw ng Korte Suprema ng Pilipinas na walang katotohanan ang mga kumakalat na social media post na nag-uugnay ng umano’y pahayag ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo tungkol sa sinasabing arrest warrant laban kay Dela Rosa.
MAKI-BALITA: Supreme Court, pinabulaanan komento ng Chief Justice sa ICC warrant kay Sen. Bato
“For those seeking confirmation regarding social media posts attributing a quote in Filipino to Chief Justice Alexander G. Gesmundo about an alleged arrest warrant for Senator Bato Dela Rosa, please be advised that these posts are false. The Chief Justice has not issued any statement on this matter,” mula sa inilabas na pahayag ni Korte Suprema Spokesperson Atty. Camille L. Ting noong Linggo, Nobyembre 9, 2025,
Dagdag pa ng tagapagsalita, ang naturang mga post ay pawang kasinungalingan at walang opisyal na batayan. Pinayuhan niya ang publiko na huwag agad maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media, lalo na kung ito ay walang pinanggagalingang opisyal na dokumento o pahayag mula sa Korte Suprema.
MAKI-BALITA: 'Bago n'yo kami ipagkanulo para maipakulong, magbanat muna tayo ng buto!’—Sen. Robin
Mc Vincent Mirabuna/Balita