December 13, 2025

Home BALITA

‘Tinakot na pamilya?’ Orly Guteza, babaligtad bilang testigo dahil sa umano’y pine-pressure—Sen. Imee

‘Tinakot na pamilya?’ Orly Guteza, babaligtad bilang testigo dahil sa umano’y pine-pressure—Sen. Imee
Photo courtesy: via Manila Bulletin

Iginiit ni Senadora Imee Marcos nitong Miyerkules, Nobyembre 12, 2025, na si retired Marine TSgt. Orly Guteza, ang dating Senate witness na nagsiwalat umano ng paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, ay pinipilit ngayon na bawiin ang kaniyang mabigat na testimonya kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

“Ang mangyayari ngayon, magre-recant ang mga testigo. Panoorin ninyo, sigurado ako diyan. Isa-isa ‘yan na biglang babaliktad dahil pini-pressure, tinatakot ang pamilya, at halos tinutukan ang asawa’t anak,” pahayag ni Sen. Imee sa ambush interview sa Senado.

Dagdag pa ng senadora, “Alam na ninyo kung sino yung pinakamatindi ang testimonya. Kasi pinakamabigat ang kaniyang testimonya. Dahil doon, may personal knowledge at matapang na ibinunyag ang lahat, talaga namang tinakot nang todo-todo… Hindi tama itong gawain nila.”

Si Guteza, na ipinrisinta ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre, ay nagsabing personal siyang naghatid ng mga maletang naglalaman umano ng tig-₱48 milyon sa bahay nina Romualdez at nagbitiw na Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Gayunman, kamakailan ay iniutos ng Manila Regional Trial Court ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Guteza dahil sa umano’y pamemeke ng lagda ng notary public na si Petchie Rose Espera, na sinasabing nag-notaryo sa kanyang sinumpaang salaysay.

Tinawag naman ni Marcos ang kasong ito bilang isang paraan upang sirain ang kredibilidad ni Guteza at protektahan ang mga nasa likod ng korupsiyon.

“Di ba sinisiraan na siya, naumpisahan na, na peke daw yung nag-notarize, nag-falsify daw, kung ano-ano ang sinasabi. Wala naman naniniwala na sa inyo. Nililinlang ninyo ang sambayanang Pilipino. Pero ang Pilipino, hindi na po magpapaloko,” ani Marcos.

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na muling nahalal bilang chair ng Blue Ribbon Committee nitong Martes, na may isa pang “napakahalagang testigo” na inaasahang magbibigay ng pahayag at posibleng magdawit pa ng iba pang indibidwal sa susunod na pagdinig ng komite sa Biyernes, Nobyembre 14, 2025.