Isang bettor mula sa Nueva Ecija ang pinalad na makapag-uwi ng mahigit sa ₱184.9 milyong jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes ng gabi.
Sa abiso nitong Miyerkules, inianunsiyo ng PCSO na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang winning combination na 04-25-20-14-12-05 kaya't naiuwi niya ang katumbas na premyong P184,998,366.40.
Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Santo Domingo, Nueva Ecija.
Nagpaalala naman ang PCSO na may isang taon lamang ang lucky winner upang kubrahin ang kanyang premyo, na isasailalim sa 20% tax, sa PCSO main office sa Mandaluyong City.
Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon ay awtomatikong mapupunta sa kawanggawa.
Muli namang hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang magkaroon ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.
Ang SuperLotto 6/49 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.