Nakasilid na sa sako nang matagpuan ang bangkay ng pitong taong gulang na batang babae sa loob ng palikuran ng kanilang tahanan sa Lambunao, Ilolilo noong Nobyembre 8, 2025.
Ayon sa mga ulat, ang lola ng biktima ang nakakita sa katawan ng kaniyang apo na nasa loob ng isang sako, matapos niya raw hanapin ang bitima nang hindi na makabalik sa kanilang bahay.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na inihabilin ng ama ng biktima ang bata sa bahay ng lola niya, ngunit nagpaalam umano ang bata na manonood ng TV kaya umuwi muna siya sandali sa kanilang tahanan.
Matapos bigong makabalik, doon na raw inumpisahan ng lola ng biktima ang paghahanap sa kaniya.
Sinubukan pang maitakbo sa ospital ang biktima, ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Ayon sa mga awtoridad, walang saplot pang-ibaba nang makuha mula sa sako ang bata. Bunsod nito, isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima kung saan nakumpirmang ginahasa siya at pinatay sa pamamagitan ng tali ng sapatos at straw.
Wala pang hawak na suspek ang pulisya, ngunit batay sa kanilang imbestigasyon ay tinatayang lima ang tinitingnan nilang persons of interest (POI) sa sinapit ng biktima. Apat sa mga ito ay pawang mga kapitbahay habang kabilang naman ang kaniyang lolo sa ikinokonsidera ng mga awtoridad.