December 14, 2025

Home BALITA Probinsya

Nasawi sa Ifugao, umabot na sa 9; ilang bayan, isolated pa rin dulot ni 'Uwan'

Nasawi sa Ifugao, umabot na sa 9; ilang bayan, isolated pa rin dulot ni 'Uwan'
Photo courtesy: via PIA Ifugao Provincial Information Center


Pumalo na sa 9 ang mga nasawing residente mula sa probinsya ng Ifugao, habang ilang bayan ang nananatili pa ring isolated dulot ng hagupit ng bagyong Uwan sa lalawigan kamakailan.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Ifugao District 2 Board Member Joseph Odan nitong Miyerkules, Nobyembre 12, kinumpirma niya ring hindi pa rin makapasok ang mga sasakyan sa ilang mga bayan sa kanilang probinsya, dala ng naging epekto ng naturang bagyo sa kanilang lugar.

“Dito po sa probinsya ng Ifugao, medyo may araw na ngayon, pero siyempre, mayroon pong naiwang mga damages like as of today, mayroon na po kaming 9 casualties. Tapos, may 10 injured na rin. Marami ding pamilyang apektado ngayon dito sa aming probinsya,” ani Odan.

“May mga isolated towns pa rin kami, ‘di pa rin makapasok ang mga sasakyan sa mga bayan kagaya ng Mayoyao, Banaue, Asipulo, Tinoc, and Hungduan—so isolated pa rin po sila,” dagdag pa niya.

Ibinahagi niya ring marami pang bayan ang wala pa ring kuryente sa kanilang lalawigan, at patuloy ang clearing operations upang mabuksan na ang mga kalye para sa mga sasakyan.

“Ongoing naman po ‘yong clearing operations sa mga road; pero ‘di natin masabi kung mabuksan kasi as of yesterday, puwede na mapasok ‘yong isang bayan like Aguinaldo. Pero ang Mayuyao, at Banaue, ‘yong ibang nasa western portion ng province namin ay hindi pa rin makapasok ang mga sasakyan,” saad ni Odan.

“Hopefully, may partial road clearing today. Ano naman, sa communication, sa kuryente, ang bayan pa lang ng Alfonso ang partially-restored ang kanilang kuryente. And then, nakita ko sa report ng aming [Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council] PDRRMC, ang bayan ng Lagawe, which is the capital town of the province, is nabigyan ng ilaw kagabi pero shinut-down din nila kaagad,” pagtatapos niya.

Matatandaang sa huling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 18 ang pumanaw dulot ng bagsik ni bagyong Uwan, habang pumalo naman sa 232 ang nasawi dulot ni Tino.

KAUGNAY NA BALITA: Mga nasawi kay Uwan, umakyat na sa 18; mga namatay kay Tino, 232 na!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA