Napatay ng mga pulis sa engkuwentro ang isang holdaper na nanloob sa isang convenience store sa Sta. Rosa 1, Marilao, Bulacan, gabi ng Lunes, Nobyembre 10.
Ayon sa ulat, nakasuot ng pulang hoodie ang suspek nang pumasok sa convenience store at dumiretso sa puwesto ng kahera, tinutukan ng baril, at pilit na pinabuksan ang cash machine.
Makikita sa kopyang CCTV footage na pinapunta pa niya sa storage room ang kahera habang may mga kinukuha pang mga gamit, bago tuluyang umeskapo.
Kaagad namang humingi ng tulong ang kahera sa pulisya.
Paliwanag ni P/Gen. Ponce Peñones, Jr., regional director ng Police Regional Office 3, nakakonekta raw sa mga pulisya ang mga convenience store sa Bulacan kaya naman madali silang nakaresponde. Mga nasa ₱20,000 cash daw ang nakuha niya mula sa kaha ng convenience store.
Nang puntahan na ng mga pulis ang lugar ng insidente, naabutan nila ang holdaper na malapit pa sa convenience store at nagkabarilan. Napatay naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na dead on arrival naman nang isugod sa ospital.
Dito na nila napag-alamang isang pulis-Caloocan pala ang suspek, na may ranggong police captain. Siya umano ang hepe ng Investigation and Detective Management Section ng North Caloocan police station.
Mismong issued firearm pa ng pagiging pulis ang ginamit ng suspek para sa panghoholdap.