Nagkomento si Sen. Imee Marcos sa umugong na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) para kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa ambush interview ng media sa senadora nitong Miyerkules, Nobyembre 12, 2025, tahasan niyang iginiit na isa raw kabulastugan ang napaulat na ICC warrant para sa kapwa senador.
“Talagang malaking kabulastugan yung pinagsasabi nila. Na may balita, na mayroong warrant, na narinig nila, na may kopya, na hindi maipakita—pero sinintensyahan na kung anong gagawin. Ano bang kalokohan ‘yan?” ani Sen. Imee.
Pinuna rin niya ang magkaibang pahayag ng magkapatid na sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa kopya ng warrant para kay Dela Rosa.
“Tapos ayan, nagpauso pa na hindi magkasundo yung magkapatid. Yung kapatid naman ang sabi wala pa raw warrant. Pagkatapos non si Secretary Bersamin, iba naman ang sinasabi. Talaga bang nililito ba tayo?” giit ng senadora.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ano ba talaga, Kuya?' Remulla at Remulla, nagkontrahan sa hakbang ng ICC kay Sen. Bato!
May mensahe rin ang senadora hinggil sa mga pananakot umano laban sa kanila.
“Higit sa lahat, kung may warrant ilabas. Kung walang warrant, tumahimik na kayo. Tantanan na ninyo kami. Ano bang pananakot na ginagawa ‘yan?” saad pa ni Sen. Imee.
Matatandanag sa isang panayam sa radyo noong Sabado, Nobyembre 8, sinabi ni Ombudsman Remulla na mayroon nang arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa.
Isa ang pangalan ni Dela Rosa sa mga naging matutunog na umano’y isusunod ng ICC na maaresto kasunod ng pagdampot nila kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dulot ng madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD