Hinamon ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte na suportahan umano ang anti-political dynasty bill upang puksain ang matagal nang mga political dynasty na umiiral sa loob ng pulitika.
Ayon sa naging pahayag ni Erice sa ambush interview noong Martes, Nobyembre 11, direkta niyang binanggit ang pangalan ng Pangulo na simulan daw nito sa pamilya niya ang pagpuputol ng nasabing dinastiya.
“Ang hamon ko kay Pangulong Marcos, kung gusto mo talaga ng reporma, dapat magsimula ka sa iyong sariling pamilya,” pagsisimula niya.
“If you can go against self-interest, aba, baka iyan ‘yong legacy niya,” dagdag pa niya.
Hindi rin nakalusot si VP Sara sa mga pahayag ni Erice at sinabi niyang dapat daw mas tuunan nito ang bayan kaysa sa “supremacy” ng kaniyang pamilya sa pulitika.
“Ganoon din si VP Sara, kung para sa bayan siya at hindi sa supremacy ng political family nila ay dapat suportahan niya rin,” giit pa ng congressman.
Ani Erice, ang political dynasties raw ang isa pinakang dahilan ng mga korapsyon sa bansa kaya dapat na itong tuldukan.
“Dahil ito ‘yong ugat o pinakamalaking ugat ng korapsyon [ang] political dynasties. Ginagamit nila ‘yong salapi ng bayan para mag-perpetuate into power,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang matagal nang pinananawagan ni Erice ang House Bill No. 2037 o “Anti-Political Dynasty Act of 2025” sa Kamara.
“Senators, fellow congressmen, kung mahal talaga natin ang bansa, oras na para magsakripisyo, bawasan ang taba ng political dynasties. Ayaw ng Pilipino ang taba, bawas-bawasan ang kasuwapangan, bawasan ang kapangyarihan, lugmok na ang bayan,” saad ni Erice noong Oktubre 6, 2025, sa isang pagpupulong ni sa Kamara.
Samantala, tila pinaboran naman na ni House Speaker Bojie Dy ang paggulong sa Kamara ng naturang anti-political dynasty bill ni Erice.
“Panahon na upang harapin ang isa pang usapin na matagal nang nakasaad sa ating Konstitusyon: ang pagpapatupad ng batas laban sa political dynasty,” saad ni Dy sa sesyon ng mga mambabatas noong Martes, Nobyembre 11, 2025.
Anang House Speaker, batid daw niyang maraming nakamata sa kaniya dahil aabot sa 16 na kaniyang mga kadugo sa nasa loob ng politika.
“Alam ko pong maraming nagtataas ng kilay sa usaping ito at aaminin ko rin alam kong may mga matang nakatuon sa akin dahil sa aking pamilya — gaya ng marami pang iba na mayroon nang mahabang tradisyon na paglilingkod sa ating bayan,” pagkukuwento niya.
Nais lang daw niyang patunayan na hindi lamang sa salita ang kanilang kayang gawin.
“Mga kasama, patunayan po natin, hindi lamang sa salita kundi sa gawa, na bukas at handa tayong makinig sa ating mga kababayan, dahil dito nagmumula ang tunay na direksyon ng ating pamahalaan,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ang thin, fat, at obese political dynasty?
MAKI-BALITA: Petisyon sa ilang kandidato kaugnay ng political dynasty, 'hindi uusad'’—dating Sol.Gen
Mc Vincent Mirabuna/Balita