Nag-anunsyo ang Land Transportation Office (LTO) ng pansamantalang suspensyon ng mga multa at bayarin para sa mga motoristang naapektuhan ng pananalasa ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan, bilang tulong sa mga may lisensyang nag-expire kamakailan.
Sa direktiba ni LTO chief Markus Lacanilao nitong Miyerkules, Nobyembre 12, 2025, inatasan ang lahat ng regional directors, assistant regional directors, operations division heads, at mga hepe ng district at extension offices sa buong bansa na palawigin ang bisa ng mga lisensyang nag-expire noong Oktubre 30, 2025.
Ayon sa LTO, layunin ng hakbang na ito na mapagaan ang pasanin ng mga motorista na hindi nakapag-renew ng kanilang lisensya o nakapag-ayos ng mga paglabag dahil sa matinding epekto ng mga nagdaang bagyo.
Nilinaw din ng ahensya na ang mga nahuli sa pagitan ng Oktubre 28 at Nobyembre 12 ay hindi isasailalim sa karaniwang 30-araw na accessory penalty suspension, na karaniwang ipinapataw sa mga hindi nakapagbayad o nakapagsumite ng settlement sa loob ng 15 araw matapos matanggap ang Temporary Operator’s Permit (TOP).
Mananatiling epektibo ang patakarang ito hanggang Nobyembre 28, 2025, ayon sa LTO.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Nobyembre 11, umabot na sa hindi bababa sa 232 ang nasawi dahil sa bagyong Tino, habang 27 naman ang naiulat na nasawi matapos ang paglapag ng bagyong Uwan nitong Miyerkules, Nobyembre 12.
Nagdulot ang dalawang bagyo ng matinding pagbaha at pinsala sa mga pangunahing kalsada sa Luzon, dahilan upang lumikas ang libo-libong residente at maantala ang transportasyon sa ilang rehiyon.