Nagbigay ng suhestiyon si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa dapat gawin sa gitna ng talamak na korupsiyon sa ilalim ng administrasyon nito.
Sa latest episode ng “The Big Story” ng One News PH noong Martes, Nobyembre 11, hinimok ni Singson na magbitiw na sa posisyon si Marcos, Jr. para hindi matulad sa tatay nitong si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na pinatalsik ng taumbayan, sa pamamagitan ng People Power.
“Ang suggestion ko nga, kung magre-resign si BBM, mas maganda. Para hindi na siya paalisin ng tao kagaya ng nangyari sa mga parents niya,” saad ni Singson.
Dagdag pa niya, “Mas maganda, mas honorable kung mag-resign. Galit ang tao, e. Sa sobrang galit niyan, hindi natin alam ang mangyayari.”
Matatandaang kabilang si Singson sa inaakusahan bilang financer umano sa binabalak na destabilization plot laban sa gobyerno ayon sa mamamahayag na si Ramon Tulfo.
Ngunit pinabulaanan ito ng dating gobernador sa parehong panayam.
Bago pa man ito ay nauna nang sinabi ni Singson na handa siyang makulong sakaling totoo ang lahat ng paratang laban sa kaniya.
Maki-Balita: Chavit, handang magpakulong sakaling patawan ng sedisyon