Nagsagawa ng isang “send-off ceremony” ang lokal na pamahalaan ng Davao City ngayong araw ng Miyerkules, Nobyembre 12, upang pasinayaan ang inisyatibo nitong magpadala ng tulong sa lalawigan ng Cebu.
Ito ay matapos humarap ang naturang probinsya sa kabi-kabilang sakuna at kalamidad, partikular na ang lindol at bagyo.
KAUGNAY NA BALITA: Magnitude 6.7 na lindol, yumanig sa Bogo City, Cebu-Balita
KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi namin kailangan ng pera!' Residente sa Mandaue, umapela ng relief goods-Balita
Kabilang sa mga ipinadalang tulong ng Davao City ay ang 16 truckloads, lulan ang relief goods para sa mga apektadong residente ng bagyong Tino kamakailan.
Bitbit ng mga naturang truck ang iba’t ibang essential supplies para sa mga residente tulad ng food packs, bottled water, mga gamot, at iba pa.
Kaugnay nito, pinangunahan din ni Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head Alfredo Baloran ang pagpapadala ng tulong-pinansyal galing sa lokal na pamahalaan ng Davao, na aabot sa ₱3.9 milyon.
Ang nasabing financial assistance ay magsisilbing tulong ng Davao City para sa mga bayang lubos na naapektuhan ng nagdaang magnitude 6.9 na lindol kamakailan, partikular na ang Bogo City, at walo pang mga munisipalidad sa probinsya.
Matatandaang nagpadala rin ang lokal na pamahalaan ng Cebu ng ₱5 milyong cash aid, para naman sa mga naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental kamakailan.
“The 17th Sangguniang Panlalawigan of Cebu has approved a resolution authorizing Gov. Pamela Baricuatro to donate ₱5-million in cash assistance to the Provincial Government of Davao Oriental, which was recently hit by a 7.4-magnitude earthquake,” anila.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Paying it forward!’ ₱5 milyong cash aid, ipapaabot ng Cebu sa Davao Oriental-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA