Bumwelta ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin para depensahan si Senate President Tito Sotto mula sa mga banat ng dating co-host nito sa Eat Bulaga na si Anjo Yllana.
Sa isang episode ng “Cristy Ferminute” noong Martes, Nobyembre 11, pinuna ni Cristy ang patuloy na ratsada ng mga banat ni Anjo laban kay SP Sotto sa kabila ng pagdedeklara nito ng ceasefire.
“Ang ceasefire po ay maling terminong ginamit ni Anjo dahil siya lang naman ang nang-aaway kay SP Tito Sotto. Kaya hindi dapat [gamitin] ‘yong terminong ceasefire,” saad ni Cristy.
Dagdag pa niya, “Gano’n ngang sinabi niyang ceasefire ‘yong kaniyang sinabing tigil-putukan. E, bakit hanggang ngayon, si Titosen pa rin ang tinutumbok mo sa ‘yong mga vlogs?”
Matatandaang inihayag ni Anjo sa isang vlog niya kamakailan na hindi na raw niya itutuloy ang pasabog niya tungkol sa umano’y chicks ni SP Sotto.
Ito ay bilang banta sa Senate President kung hindi siya titigilang banatan ng mga umano’y pakawalang vloggers nito.
"Ano Titosen, gusto mo ba talaga?” sabi ni Anjo. “Meron ka pang Cristy Fermin eh, gusto mo ba talaga? Gusto mo ba talagang sabihin ko kung sinong kabit mo at kung sino 'yong girlfriend mo sa Eat Bulaga na naging girlfriend pa ni Bossing, sabay pa kayo?"
Maki-Balita: 'Ceasefire na!' Anjo, 'di na tutuloy sa ayudang tsika tungkol sa umano'y chicks ni SP Sotto
Samantala, ayaw nang patulan pa ni SP Sotto ang aniya’y pagpapapansin ni Anjo.
“Huwag n’yong pansinin at nagpapapansin ‘yan. Pati ba naman showbiz at paninira papatulan natin. Itaas natin ang level ng Senate press,” anang Senate President.