Nakataas ang tropical cyclone signal number 1 sa Batanes sa muling pagpasok ng super bagyong Uwan sa Philippine Area of Responsibility (PAR), batay sa 5:00 PM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules, Nobyembre 12.
Batay pa sa PAGASA, kasalukuyang papalapit sa bahaging timog ng Taiwan ang bagyo nitong Miyerkules ng hapon.
Sa tala ng PAGASA noong alas-4:00 ng hapon, ang sentro ng bagyong Uwan ay tinatayang nasa 210 kilometro hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging umaabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at bugso ng hangin hanggang 90 kilometro bawat oras, na may central pressure na 996 hPa.
Kumikilos ito pakanluran-hilagang-silangan (east northeastward) sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Ayon pa sa PAGASA, ang mga malalakas hanggang sa halos bagyong hangin (strong to gale-force winds) ay umaabot hanggang 300 kilometro mula sa gitna ng bagyo.
Bagaman nasa labas ng kalupaan ng bansa ang sentro ng “Uwan,” pinapayuhan pa rin ang mga residente sa Hilagang Luzon, partikular na sa Batanes at Babuyan Islands, na maging maingat dahil maaari pa ring maranasan ang malalakas na bugso ng hangin at pag-ulan dulot ng bagyo.
Matatandaang nauna nang sinabi ng PAGASA noong Lunes, Nobyembre 10, na posibleng umalis ang bagyong Uwan ng Martes at babalik naman sa PAR ng Miyerkules.
KAUGNAY NA BALITA: Labas-masok? Uwan lalayas ng PAR bukas pero posibleng bumalik sa Miyerkules