Itutuloy pa rin daw ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ang petisyon niyang patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa isinapublikong video ni Barzaga sa kaniyang Facebook post noong Martes, Nobyembre 11, makikitang dumalo ang nasabing congressman sa sesyon nila sa Kamara.
“‘Yon, o! Back to session na si Congressmeow PusaDoG,” pagsisimula niya.
Pagkukuwento rin ni Barzaga, marami raw mga “buwaya” ang hindi dumalo sa naturang araw ng kanilang pagpupulong.
Pero aniya, lagi raw present ang anak ni PBBM na si House Majority Leader Sandro Marcos kaya “idolo” niya ito.
“Andaming nag-absent na mga buwaya ngayon pero laging present si lodi Sandro Marcos. Ang sipag niyan. Idol ko ‘yan,” ani Barzaga.
Kasunod nito, ipinakita naman niya ang hawak niyang dokumento ng impeachment complaints laban kay PBBM dahil wala pa raw nakukulong na mga sangkot sa maanomalyang flood-control projects.
“Kaya i-impeach ko ‘yong tatay niya kasi hanggang ngayon, magpapasko na, wala pang nakukulong at ang andami nang namatay dahil sa flood control ni Marcos,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang ibinahagi na rin Barzaga ang mga dokumento ng paghahain niya ng impeachment complaints laban kay PBBM habang nasa House of Representatives noong Oktubre 8, 2025.
MAKI-BALITA: Cong. Barzaga, maghahain ng impeachment complaint laban kay PBBM
Sa 37 segundong vlog habang nasa loob ng HOR, ipinakita pa ni Barzaga ang loob ng Batasang Pambansa at sinabing "Welcome to the crocodile farm."
Maya-maya, ipinakita na ni Barzaga ang "sorpresa" niya sa mga netizen: ang "Marcos impeachment complaint."
Aniya, ang impeachment complaint niya ay "under the grounds of betrayal of public trust and culpable violation of the constitution."
"And hopefully, Congress will remove him soon, so we can start investigating those in the flood control anomalies, hehehe, bye bye Marcos!" saad pa ng mambabatas.
MAKI-BALITA: ‘It will end this month!’ Rep. Barzaga, PBBM mag-uunahan kung sino unang masisibak sa puwesto?
MAKI-BALITA: 'There's no hope in Marcos Admin!' Kiko Barzaga, nanawagang magtayo ng independent gov't sa VisMin
Mc Vincent Mirabuna/Balita