Iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto ng 7 most wanted na mga indibidwal, matapos magsagawa ng magkakasabay at malawakang operasyon ang awtoridad at pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, nasamsam din sa hiwalay na operasyon ang halos ₱8 milyong halaga ng droga, at ₱3 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo.
Ayon sa tala ng PNP nitong Martes, Nobyembre 11, ang 7 nasakoteng indibidwal ay nagmula pa sa Iligan City, Palawan, Zamboanga del Sur, Laguna, Quezon City, Cebu, at Masbate—na humaharap sa mga kasong may kinalaman sa panggagahasa, acts of lasciviousness, at drug-related cases.
Ang halos ₱8 milyong halaga naman ng droga ay nasabat ng PNP, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), matapos nilang isagawa ang kanilang operasyon sa tatlong magkakaibang lalawigan.
Sa Davao City, arestado ang isang 53-anyos na suspek matapos makumpiska rito ang 520 gramo ng shabu, na mayroong standard drug price na aabot sa ₱3,536,000.00.
Sa Valencia City, Bukidnon naman, timbog ang dalawang suspek matapos masamsaman ng 301.2 gramo ng shabu, na tinatayang aabot ang halaga sa ₱2,048,160.00.
Samantala, isang concerned citizen naman mula sa Puerto Princesa City, Palawan ang nagsauli ng 1.95 kilo ng high-grade marijuana, matapos umano itong matagpuan sa baybayin ng isang beach resort. Tinatayang aabot sa halagang ₱2,340,000.00 ang naturang ilegal na droga.
Sa hiwalay na operasyon naman sa Bukidnon, nasabat ang ₱3 milyong halaga ng yosing smuggled matapos itong ikubli sa loob ng isang trak ng basura.
Ibinahagi naman ng PNP ang mga pahayag nina Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. at PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño hinggil sa mga isinagawang operasyon ng awtoridad.
“Patunay ang mga operasyong ito sa walang humpay na pagsisikap ng PNP na papanagutin ang mga lumalabag sa batas—mula sa mga wanted persons hanggang sa mga sangkot sa droga at smuggling. Bawat tagumpay na ganito ay isang hakbang tungo sa mas ligtas na komunidad at mas matatag na bansa. Mananatiling matatag ang PNP sa pagpapatupad ng batas nang may integridad at dedikasyon para sa kapayapaan at kaligtasan ng bawat Pilipino,” ani Nartatez.
“Ipinakita ng ating mga tauhan sa buong bansa kung ano ang kayang marating ng koordinasyon at malasakit. Ang mga ito ay hindi lang mga bilang ng huli o kumpiska—ito ay mga buhay na nailigtas, mga droga na hindi na umabot sa kalsada, at mga pamayanang nanatiling ligtas,” ani Tuaño.
Ayon pa sa PNP, ang mga nasakoteng indibidwal, nasamsam na ilegal na droga, at nakumpiskang smuggled na sigarilyo ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng awtoridad upang masuri, at masiguradong dumaan sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Vincent Gutierrez/BALITA