May 22, 2026

Home BALITA

Tuguegarao City Mayor na tinadtad ng online hate, 'di raw magso-sorry sa bashers

Tuguegarao City Mayor na tinadtad ng online hate, 'di raw magso-sorry sa bashers
Photo courtesy: Mayor Maila Ting Que (FB)

Pinanindigan ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que ang nauna na niyang pahayag tungkol sa pagliligtas ng buhay ng tao sa halip na mga alagang hayop ng kaniyang mga kababayan noon.

Matatandaang umani ng samu’t saring reaksyon sa netizens ang nauna nang pahayag ni Que kaugnay sa mas mahalaga umanong unahing isalba bukod sa mga alagang hayop at ari-arian.

“Guys, ‘wag nang matigas ang ulo, nakikiusap ako. ‘Yong gamit ninyo, mapapalitan. ‘Yong animals, mapapalitan. Pero ang buhay ng tao, isa lang,” saad ni Que noong Linggo, Nobyembre 9, 2025.

Matapos nito, muling naglabas ng pahayag si Que sa pamamagitan ng live niya sa Facebook nitong Martes, Nobyembre 11, 2025.

Ani Que, hindi raw siya hihingi ng tawad sa mga bumabatikos sa kaniya kaugnay sa kontrobersyal na “pagsasawalang-bahala” sa mga alagang hayop.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“I will not say sorry for loving my children in Tuguegarao and for saving their lives as well as the lives of our rescuers,” pagdidiin niya.

Pagtatanong pa ni Que, “nasubukan n’yo na ba makaramdam ng guilt na may namatay dahil hindi na-force evacuate ‘yong tao?”

“Nasubukan n’yo na rin ba na mag-utos ng mga rescuer na pumunta kahit gabing gabi na at i-risk mga buhay nila para lang tumulong at i-rescue sa taong hindi nakinig sa advisory dahil hindi maiwan ang alaga nila?”

Punto ni Que, mayroon daw sa mga kababayan nila ang sumuong sa gitna ng bagyo para iligtas ang kanilang mga alagang hayop ngunit nasawi ito kalaunan.

“Sinong nag-aalaga ng kambing ngayon? Kung ‘yong kambing niya ang nalunod, masakit man pakinggan, puwede akong tumulong para bilhan siya ng panibagong kambing na gagamitin niya sa farm niya,” pagbabahagi pa ng alkalde.

Pagpapatuloy pa ni Que, mayroon din daw tumawag sa kanila upang magpa-rescue ngunit ang dinat’nan nila naturang lugar ay mga alagang baboy.

‘Ika ni Que, mas mahalaga raw sana na ang pinupuntahn ng kanilang mga rescuer sa gitna ng bagyo ay ang mga taong totoong nangangailangan ng tulong.

“Tatlong tao po ang nagpa-rescue dahil hindi iniwan ang mga baboy nila. Pumunta ang pulis, kinuha ang mga tao, ‘yong rescuer namin ngayon nandoon ang inabutan ‘yong mga baboy,” aniya.

“‘Yong ang sinasabi namin na mag-preemptive evacuation na kayo. ‘Pag sinabi naming umalis na kayo, isama n’yo na ’yong mga alaga ninyo. No’ng ayaw ninyong isama, nabaha kayo, tatawag po kayo ngayon ng rescue. At this point in time na dapat po ang pinupuntahan namin [ay] mga tao, ang naabutan po ‘yong mga alagang baboy,” pagkukuwento pa niya.

Tila naging emosyunal pa si Que sa gitna ng kaniyang live dahil sa pagdedepensa ng sarili sa mga batikos sa kaniya.

“Nakakaiyak po kayo sa totoo lang. I’m so frustrate kasi ginagawa ninyong nakakatawa ang pag-save ng tao. You just endangered our rescuers[...]” kuwestiyon pa niya.

Mc Vincent Mirabuna/Balita