Nagbigay ng paglilinaw ang Malacañang hinggil sa kung paano ginagamit ng pamahalaan ang nalalabing pondong hawak nito bago matapos ang taong 2025.
Kaugnay ito umano sa duda o “trust issue” ng taumbayan sa kabila ng mga ulat patungkol sa lumalaganap na malawakang korapsyon sa bansa.
“Lumalabas na nga po ang ibang isyu about corruption, so, ang Pangulo po ang nagpapa-imbestiga, ang Pangulo pa po ba ang hindi tutupad para matugunan ang isyu about corruption?” ani Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Nobyembre 11.
“Kaya nga po sinabi po natin ng mga nakaraang araw, dito rin po sa briefing, na hindi po agad nagpapalabas ng pondo ang [Department of Budget and Management] DBM dahil ‘yon po ang utos ng Pangulo. Kailangan po na ma-justify bago magpalabas ng pondo,” saad pa niya.
Nagpahayag din ang Palasyo ukol naman sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), kaugnay sa pagbagal ng Gross Domestic Product (GDP) growth nitong ikatlong quarter ng 2025.
“Ayon po sa DBM, nakausap po natin, ‘yong GDP growth po ay ineexpect po natin ang improvement nito, itong sa darating na itong last quarter po of the year—dahil po mayroon po tayong inaasahang mga private holiday spending supported by government programs, pati po ang growth in exports,” anang press officer.
“‘Yon nga po ang utos ng Pangulo, gamitin sa tama ‘yong ₱1.307 trilyong program budget para po makita po ng mga business sectors na ang gobyerno ay gumagastos sa tama, at ito po ay makakapag-boost ng economy at ang consumption in investment po,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Usec. Castro, nandoon pa rin daw ang paniniwala ng administrasyon na maaabot nito ang target GDP growth sa ikaapat na quarter ng taon.
Vincent Gutierrez/BALITA