May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Mga nasawi kay Uwan, umakyat na sa 18; mga namatay kay Tino, 232 na!

Mga nasawi kay Uwan, umakyat na sa 18; mga namatay kay Tino, 232 na!
Photo courtesy: Armed Forces of the Philippines (FB), Presidential Communications Office (FB)

Umakyat na sa 18 ang mga naitalang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Uwan, ayon sa 11:00 AM report ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes, Nobyembre 11. 

Labindalawa dito ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); tatlo mula sa Cagayan Valley; at tig-isa mula sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas. 

“As of 11 this morning, mayroon na pong 18 casualties. Tatlo sa Region 2 [Cagayan Valley] dahil sa landslide; 12 sa CAR, mostly because of landslide; isa sa Region 5 [Bicol], drowning; Region 6 [Western Visayas],  electricution; and ‘yong sa Region 8 [Eastern Visayas], isa,” saad ni OCD Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV. 

Dalawampu’t walo naman ang mga naitalang sugatan, habang dalawa ang kasalukuyang nawawala. 

Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 2.35 milyong katao o 652,632 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Uwan sa 15 rehiyon sa buong bansa. 

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

 803,000 indibidwal ang kasalukuyan nananatili sa 10,818 evacuation centers, habang 265,000 dito ang nasa labas nito. 

Tinatayang 4,143 kabahayan naman ang naitalang nasira mula sa mga rehiyon ng Ilocos, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). 

Mayroon namang 267 na mga lugar ang naitalang binaha, habang 299 road sections, at 56 na mga tulay ang hindi madaanan dahil sa bagyo. 

Sa kasalukuyan, inaayos ang kuryente at tubig sa 426 mga lungsod at munisipyo matapos ang malawakang pagkasira ng mga linya ng tubig at kuryente dito sa kasagsagan ng bagyong Uwan. 

Mga karagdagang ulat kay Tino

Sa ulat rin ng NDRRMC, pumalo na sa 232 ang nasawi dahil sa hagupit ng bagyong Tino kamakailan. 

Ang mga naitalang nawawala naman ay nasa 112 na, habang 523 ang sugatan. 

Sa higit 200 na talang ito, 150 ang bilang ng mga nasawi mula sa Cebu, at 451 ang sugatan; na sinundan ng Negros Occidental sa bilang na 42 mga nasawi. 

Dalawampu’t isa naman mula sa Negros Oriental; anim sa Agusan del Sure; tatlo sa Capiz; tig-dalawa sa Dinagat Island, Southern Leyte, at Leyte; at tig-iisa mula sa Antique, Iloilo, Guimaras, at Bohol. 

Ayon din sa ahensya, higit 4.16 milyong katao na sa walong rehiyon sa bansa ang apektado at 155,000 kabahayan ang nasira dahil sa bagyong Tino. 

Post-typhoon operations 

Sa kasalukuyan, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at local government units (LGUs) sa paglilinis ng mga daan para matulungan ang mga mamamayan na magbalik sa kanilang komunidad. 

“Patuloy po ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa paglilinis ng mga daan, pagtatanggal ng mga debris, at pagtulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para mapanumbalik natin ‘yong mga kalsada at tulay,” ani AFP Spokesperon Col. Francel Margareth Padilla. 

Tiniyak din niya na tumutulong sa kanila ang kanilang ground, air, ang naval assets sa pagtulong sa relief operations. 

“Nandiyan din po ang ating mga ground, air, and naval assets for relief. Kaagapay natin ang OCD, PCG (Philippine Coast Guard), PNP (Philippine National Police), DPWH, at LGUs para masiguro po nating ligtas ang pagbabalik ng komunidad sa normal,” dagdag pa ni Padilla. 

Sean Antonio/BALITA