Nagpaabot ng tulong ang Office of the Vice President (OVP) para sa mga residenteng naapektuhan ng super typhoon Uwan sa Barangay 101, Tondo, Manila.
Sa latest Facebook post ng OVP nitong Martes, Nobyembre 11, ibinahagi nila ang pag-arangkada ng Kalusugan Food Truck upang maghatid ng pagkain sa 483 katao sa nasabing barangay.
“Namahagi ang mga tauhan ng OVP-Disaster Operations Center (OVP-DOC) ng mainit na sopas sa kabuuang 483 volunteers na binubuo ng social at health workers, barangay tanod, kagawad at residente ng nasabing lugar,” saad ng OVP.
Dagdag pa nila, “[N]amahagi rin ng donated items gaya ng bottled water at biscuits.”
Nauna nang mamigay ang opisina ni Vice President Sara Duterte ng kilo-kilong bigas para sa mga residente ng Negros Island na naapektuhan ng bagyong Tino noong Lunes, Nobyembre 10.
Maki-Balita: OVP, namahagi ng bigas para sa naapektuhan ng bagyong Tino sa Negros Island
Matatandaang matapos tumama ang bagyong Tino sa malaking bahagi ng Visayas sunod namang pumasok sa Pilipinas ang super typhoon Uwan.
Maki-Balita: Super typhoon, posibleng pumasok sa Sabado; Hilagang Luzon, tutumbukin?