Binigyang-linaw ni Isabela Gov. Rodolfo Albano III kaugnay sa dahilan umano nila sa paglipad papuntang Germany bago pa man dumating ang super typhoon Uwan sa bansa.
Ayon sa naging panayam ng Bilyonaryo News Channel kay Albano nitong Martes, Nobyembre 11, sinabi niyang nakatakda na raw talaga noong dumalo sila sa isang Agricultural fair sa Germany.
“Ang nangyari do’n, naka-set na yo’ng Agri fair dito sa Hanover, Germany,” pagsisimula niya.
Paglilinaw pa ni Albano, layunin daw nilang mag-imbita ng mga foreign companies na pumunta sa Pilipinas at ibida rito ang kanilang mga makinaryang pang-agrikultura.
“Naimbitahan kami dito, actually may isang talk pa nga dito na a-attend-dan namin. Pilipino pa ang nag-talk para i-ano ‘yong mga agricultural, ilako and to invite these companies here in Germany and all over sa Europe para pumunta sa Philippines para magbenta at mag-promote ng kanilang mga machineries here,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “andami ngayong bagong machineries here. This is one of the biggest, or the biggest agri-tech exhibit in the world.”
Pagpapatuloy pa ni Albano, huli na raw nakarating sa kanila ang pag-uutos na huwag umalis sa bansa dahil sa unos na paparating noon.
“At saka noong dumating ‘yong order na ‘yan sa amin, it was on the ninth [of November], nakaalis na kami actually. Hindi naman kami puwedeng bumalik kaagad,” aniya.
“Kasi kung babalik din kami, kunwari kukuha kami ng ticket ng [November 10], sasalubungin din namin ‘yong bagyo diyan. So useless,” pagtatapos pa ni Albano.
Bukod dito, nasaad din ni Albano sa iba pang media interview na alam na rin daw noon pa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang nakatakda nilang paglipag sa Germany.
“Kami naman nandito sa Germany para tumingin din. Agri-fair kasi dito. Matagal ko nang pinaalam ito kay Secretary Jonvic Remulla. Para looking forward tayo, pagiging proactive, naghahanap kami ng mga equipment, panibagong mga technology para rin sa ating mga magsasaka at para mapabilis ang kanilang saka[...]” ani Albano.
“‘Yong advisory ng Tino, November 9 ‘yon. Saka hindi namin pwedeng i-postpone ito. At saka ano naman ang diperensya? Hindi ako si Superman na kailangan ako dyan. Basta stay in place ‘yung mga preparasyon namin,” giit pa niya.
Matatandaang binigyang-linaw na rin ni Remulla noong Lunes Nobyembre 10, na batid daw niyang nakatakdang dumalo si Albano sa isang Agricultural Fair sa Germany.
MAKI-BALITA: Isabela governor, lumipad sa Germany bago pananalasa bagyong Uwan?
“I remember signing his travel leave a month ago kasi may malaking Agri fair sa Germany and yearly pinupuntahan niya talaga ‘yon[...]” saad ni Remulla.
“We will find out kung umalis talaga siya on the seventh (of November). Kasi nakausap ko siya, Sabado, [November] 8, e[...] sabi niya, he would get the first ticket home. So I do not know if he left on the seventh. I would check the BIB [Bureau of Immigration Border Stamps] ‘yong record nila and then we will deal with it,” paliwanag pa niya.
Bukod dito, matatandaang pumanting na rin ang tainga ng publiko sa naging pahayag ni Albano sa isang panayam sa One Balita Pilipinas noong Biyernes, Nobyembre 7, 2025 kung saan sinabi niya na kailangang “chill lang” umano sila sa paparating noong super typhoon Uwan.
“Sa akin, cool lang. Kumbaga chill. Total wala naman tayong magagawa kasi talagang papunta ‘yong bagyong ‘yan. Wala namang makakahinto niyan kung hindi Diyos lang[...] at ipinagdarasal lang namin, sana nasa taas ‘yong hangin at ‘wag sanang magdulot ng maraming pinsala,” saad niya.
MAKI-BALITA: Isabela governor, lumipad sa Germany bago pananalasa bagyong Uwan?
Mc Vincent Mirabuna/Balita