Sa pangunguna sa situation briefing ng mga ahensya para sa bagyong Uwan nitong Lunes, Nobyembre 10, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang patuloy na relief at rescue operations sa mga lugar na napinsala ng bagyo.
Dito ay inatasan ng Pangulo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) na mag-deploy ng medical teams sa evacuation sites para matugunan ang pangangailangang medikal ng mga residente.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ay binigyang-direktiba na simulan na ang rehabilitasyon ng mga nasirang kalsada sa lalong madaling panahon para matiyak ang agarang pagdating ng mga delivery aid sa mga probinsya.
Iniulat naman ng Office of Civil Defense (OCD) na ang probinsya ng Pangasinan ang nagtamo ng pinakamalubhang pagbaha, at higit 426,000 pamilya ang nailikas dito sa pamamagitan ng pre-emptive evacuation.
Habang sa rehiyon naman ng Bicol ang mayroong pinakamataas na bilang ng evacuees, sa bilang na tinatayang 100,050 pamilya; 44,000 pamilya naman sa Camarines Sur; at 20,000 pamilya naman sa Quezon Province.
Ayon naman sa DPWH, mayroong 71 kalsada ang hindi pa nadadaanan dahil sa bagyo.
Ilan dito ay mula sa ilang probinsya sa Central Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR), partikular sa Mountain Province, Benguet, at Apayao.
Mayroon din naitalang 155 power interruptions, karamihan dito ay mula sa Ilocos region.
Sa kaugnay na ulat, ayon sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 230,955 pamilya o 836,572 indibidwal na ang bilang ng mga naapektuhan ng bagyong Uwan sa 2,710 barangay mula sa mga rehiyon 2, 4A, 5, 6, 8, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga.
Habang wala na ito sa kalupaan, inaabiso ng Office of Civil Defense (OCD) na patuloy na mag-ingat sa mga badya ng panganib mula sa pag-ulan sa ilang rehiyon.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Hindi pa tapos ang bagyong ‘Uwan!’ Higit 800K indibidwal, apektado; 2 na naitalang nasawi
Sean Antonio/BALITA