Namahagi ng kilo-kilong bigas ang Office of the Vice President (OVP) para sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Tino sa Negros Island.
Ayon sa ibinahaging post ng OVP sa kanilang Facebook page nitong Lunes, Nobyembre 10, makikita ang mga larawan mula sa pamamahagi ng OVP - Panay and Negros Islands Satellite Office ng limang kilong bigas at tubig para sa mga lokal na pamahalaan ng nasabing isla.
“Nagpatuloy ang paghahanda ng OVP - Panay and Negros Islands Satellite Office nitong November 8, 2025, sa pamamagitan ng pre-positioning ng mga RICE boxes, 5-kilogram rice packs, at water containers sa mga piling lokal na pamahalaan sa Negros Island,” pagsisimula nila.
Photo courtesy: OVP (FB)
Dagdag pa nila, “Ang mga bayan ng Canlaon, Binalbagan, La Carlota, La Castellana, at Moises Padilla ay kabilang sa mga LGU na pinagdalhan ng mga relief items bilang bahagi ng maagap na pagtugon ng OVP sa mga lugar na patuloy na naaapektuhan ng Bagyong Tino.”
Pagpapatuloy pa ng nasabing opisina, tuloy-tuloy ang kanilang paghahatid ng tulog sa mga Pilipinong nangangailangan bunsod ng pananalasa ng mga nagdaang unos.
“Sa gitna ng hamon ng masamang panahon, patuloy ang OVP sa pagtiyak na mayroong tulong na maihahatid sa mga Pilipinong higit na nangangailangan,” pagtatapos pa nila.
MAKI-BALITA: OVP, nagpaabot ng tulong sa naapektuhang pamilya sa Cebu
MAKI-BALITA: 'Mas mabuti nang labis kaysa wala!' paalala ni VP Sara sa kahandaan sa bagyong Uwan
Mc Vincent Mirabuna/Balita