Sa isang bihirang pangyayari sa telebisyon, nagulat ang mga manonood nang mapag-alamang ang live na nagbabalita ng ulat-panahon tungkol sa pananalasa ng super typhoon Uwan sa Albay, ay hindi isang field reporter kundi isang cameraman sa TV5.
Sa kaniyang Facebook post, ipinahayag ni Gretchen Ho, TV5 news presenter, ang paghanga sa kakayahan ni Mark Andrew "Mac" Ortiz na kanilang cameraman.
"Where else do you see a cameraman reporting?! Proud of our multi-talented Mark Andrew Ortiz! He can shoot, photograph, fly a drone, edit stories, and also report?! Kasamahan namin ‘to sa West Philippine Sea! Tunay na matapang," aniya.
Bagama't halatang tila kinakabahan at nauutal, ipinakita pa rin ni Ortiz na bukod sa pagiging cameraman, kaya rin niyang mag-report nang live, isang bihirang talento sa field journalism, sa paggabay naman nina Gretchen at kasama niyang si Ed Lingao.
"First time, first time!" aniya habang natatawa at pinipilit na itawid ang live reporting.
Maraming netizens ang nagpahayag ng paghanga sa kakayahan at tapang ni Ortiz, kaya nanawagan pa ang ilan na sana raw ay i-promote si Ortiz sa pagiging field reporter o kaya naman, taasan ang suweldo.
"I love how courageous he was not only on being right there in the storm but also in reporting live on national tv on how things are going even though he is not really a journalist or reporter. Good job! This man needs a recognition TV5."
"grabe sobrang nakaka kaba yan. tibay ni sir."
"Galing ni Tito Bok Ed Lingao sa pagpapakalma sa kanya! 'Kwentuhan mo lang kami parang nag-iinuman lang tayo!'"
"Kudos, ang galing mo nga eh, puwede ka nang field reporter!"
Pumalo na sa million views ang kumakalat na video clip ni Mac Ortiz.