Aabot umano sa humigit-kumulang 33,000 ang kabuuang bilang ng mga customer ng Manila Electric Railroad and Light Company (Meralco) ang nawalan ng kuryente dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga nitong Lunes, Nobyembre 10, sinabi niyang hindi maitatangging maraming nawalan ng kuryente mula sa mga customer nila sa ilang lugar sa Metro Manila.
“Marami dito sa Metro Manila,” pagsisimula niya, “dito sa Navotas, apparently mga 24,000 customers. Nira-round off ko na lang.”
Bukod pa rito, marami rin daw silang tala ng mga nawalan ng kuryente sa Muntinlupa, Valenzuela, Caloocan, Las Piñas, Quezon City, at iba pa.
“Muntinlupa were down to 3,700, Valenzuela 2900, Caloocan 2866, tapos mayroong ilan sa Las Piñas, Quezon City, and a few others in Malabon, Taguig, and Parañaque. Karamihan [ay] wire down at saka transformer trouble,” saad ni Zaldarriaga.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Zaldarriaga na mayroong sapat na kapasidad ang Meralco upang ibalik ang kuryente sa mga nasabing lugar.
“We have more than adequate capacity,” aniya.
Ngunit giit niya, “ang problema natin ngayon, mas matagal kapag mapping up operations kasi iisa-isahin mo na ‘yan, e.”
“By circuit, maibabalik mo agad. Mas maraming kang nabibigyan pero minsan, may ilang area na mabibigyan ka. Pero doon sa trouble areas na may wire down o kaya may transformer na problema o bumagsak na poste, ‘yon ang medyo matatagalan,” paliwanag pa ni Zaldarriaga
Samantala, nilinaw ni Zaldarriaga na sisikapin umano ng Meralco na maibalik ang kuryente sa mga nasabing apektadong lugar sa loob ng dalawang araw o higit pa.
MAKI-BALITA: Bagyong Uwan, humina at wala na sa kalupaan
Mc Vincent Mirabuna/Balita