December 13, 2025

Home BALITA Probinsya

'Matagal pong trabaho pa ito!' Camarines Norte Acting Gov, sinabing 'di agad maibabalik kuryente sa lalawigan

'Matagal pong trabaho pa ito!' Camarines Norte Acting Gov, sinabing 'di agad maibabalik kuryente sa lalawigan
Photo courtesy: Joseph Ascutia/FB, Camarines Norte Provincial Information Office/FB


Sinabi ni Camarines Norte Acting Governor Joseph Ascutia na hindi umano maibabalik kaagad ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan, dulot ng hagupit ng super bagyong Uwan sa naturang probinsya.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Gov. Ascutia nitong Lunes, Nobyembre 10, inilahad niyang walang kuryente ang buong Camarines Norte, sapagkat nagsibuwal ang mga poste sa lalawigan dala nang nagdaang bagyo.

“Totally po, 100%, wala po kaming kuryente kasi 'yan pong aming poste ng kuryente ay nagtumbahan. 'Yon po ang problema namin, kasi maraming mga poste sa amin ang natumba, e 'yong amin naman pong electric cooperative ay hindi naman ito kayang [ayusin] overnight, in 72 hours or in 24 hours,” ani Ascutia.

“Hindi po namin maire-restore ito. Matagal pong trabaho pa ito,” saad pa niya.

Sa ibinahagi namang Facebook post ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) nitong Lunes, Nobyembre 10, sila ay kasalukuyang nagsasagawa ng assessment at inspeksyon hinggil sa pagkawala ng kuryente sa probinsya.

Paalala nila, maisasagawa lamang ang pagpapanumbalik ng kuryente sa Camarines Norte kung matitiyak nang ligtas ang pagsasaayos nito para sa mga Member-Consumer-Owners (MCOs) at Line Workers.

Saad pa nila, nakadepende sa lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo ang bilis ng pagbalik ng linya ng kuryente sa mga customers nito.

Photo courtesy: CANORECO/FB

Kaugnay nito, iniulat naman ng Manila Electric Railroad and Light Company (Meralco) na aabot sa halos 33,000 mga customer ang nawalan ng kuryente sa Metro Manila dulot ng bagsik ni bagyong Uwan.

Anila, sisikapin nilang maibalik ang suplay ng kuryente matapos ang dalawang araw o higit pa. 

KAUGNAY NA BALITA: Mga nawalan ng kuryente sa Metro Manila, aabot sa 33,000—Meralco-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA