Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nang maaga sa Martes, Nobyembre 11, ang suer bagyong Uwan, ngunit maaari itong muling pumasok pagsapit ng Miyerkules, Nobyembre 12, habang kumikilos ito sa karagatang nasa timog-kanluran ng Taiwan, ayon sa PAGASA nitong Lunes, Nobyembre 10.
Ayon sa weather bureau at ulat ng Manila Bulletin, susunod si Uwan sa isang recurving path, kung saan liliko ito pahilagang-kanluran bandang Lunes ng gabi, uusad pahilaga sa Martes, at patuwid na hilagang-silangan sa natitirang bahagi ng forecast period.
Posible ring magkaroon ng panandaliang paglakas ang bagyo habang nasa karagatang malapit sa timog-kanluran ng Taiwan bago ito dahan-dahang humina simula Miyerkules.
“Uwan is forecast to exit PAR tomorrow early morning (Nov. 11),” ayon sa PAGASA.
“It may re-enter PAR on Wednesday evening (Nov. 12) as it makes landfall over the southwestern coast of Taiwan,” dagdag pa nila.
Pagkatapos tumawid ng Taiwan, inaasahan na mas hihina pa ang bagyo at maaari itong maglaho bilang isang low pressure area pagsapit ng Biyernes, Nobyembre 14.
Samantala, ayon kay PAGASA forecaster Aldczar Aurelio sa panayam ng ABS-CBN News nakatulong daw ang pagtama ni Uwan sa bulubundukin ng Sierra Madre na nagpahina sa lakas nito.
Paliwanag ng eksperto, ang bagyo ay parang higanteng umiikot na hangin: may mga hangin na papunta sa gitna, at may mga hangin na paikot. Kapag walang bundok na humaharang, tuloy-tuloy ang galaw ng hangin papunta sa sentro ng bagyo kaya nananatiling malakas ito.
Pero kapag may bundok na tulad ng Sierra Madre, nagkakaroon ng sagabal o disturbance. Nahihinto o nababago ang direksiyon ng hangin na sana’y papunta sa gitna ng bagyo. Dahil dito, unti-unting humihina ang ikot at lakas nito habang dumadaan sa kabundukan.
"Siya 'yong panangga sa malalakas na bagyo kasi isang parte ng bagyo ay 'yong hangin na papunta sa gitna... Kapag mayroong bundok, nagkakaroon ng disturbance so 'yong hangin na papunta sa gitna ay hindi nangyayari dahil nahaharang... Unti-unting hihina ang bagyo," aniya pa.