Naglabas ng kaniyang pananaw si "It's Showtime" host at Kapamilya star Kim Chiu hinggil sa mga bundok na nagsisilbing proteksyon sa Luzon at nagpapahina sa malalakas na bagyong pumapasok at nananalasa sa bansa.
Sa X post ni Kim, tila sumang-ayon siya sa post ng isang netizen nang ibahagi nito ang isang art card na likha ng "Turismo Central Luzon" kung saan makikita ang tatlong bundok na ginawang animo'y superheroes.
Ito ay ang Caraballo Range, Cordilleras, at Sierra Madre na tinawag na "Guardians of Luzon."
"tuwing rumaragasa ang malalakas na bagyo, tatlong higante ang tahimik na humaharang sa galit ng kalikasan — ang Sierra Madre, Caraballo Range, at Cordilleras. Sila ang mga tunay na tagapagtanggol ng Luzon," mababasa sa X post ng netizen.
Bagay na shinare naman ni Kim at kinomentuhan. Aniya, sana pamarisan daw ng mga nasa "itaas" ang mga bundok.
"Araw-araw tayong pinoprotektahan ng mga bundok, laban sa bagyo, baha, at matinding init. Tahimik lang silang nakatayo, walang hinihinging kapalit, pero patuloy silang nagbibigay ng buhay, ng hangin, ng ginhawa," ani Kim.
"Sana ganun din ang gawin ng mga nasa itaas. Sana marinig nila ang sigaw ng kalikasan bago pa man maging huli ang lahat," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Kim Chiu/X
Pahayag pa ni Kim, "Hayaan silang maging sila — ang mga bundok na bumubuhay, ang mga bundok na tahanan ng maraming nilalang, ang mga bundok na nagsisilbing proteksyon ng Luzon at ng buong sambayanan."
Nagpahayag din si Kim sa hindi niya pagpabor sa pagmimina at construction sa mga bundok.
"No to mining. Walang konstruksyon. Walang pagwasak. Kung kaya nilang protektahan tayo, kaya rin nating ipaglaban sila," aniya pa.
Samantala, muli na namang napag-usapan ang kahalagahan ng Sierra Madre matapos manalasa ang super typhoon Uwan sa bahagi ng Luzon.
Matagal na itong pinatutunayan ng mga eksperto sa mga nagdaang bagyo, kaya paulit-ulit nilang paalala na alagaan ang Sierra Madre.
Umaabot sa 6,283 talampakan ang taas at humigit-kumulang 540 kilometro ang haba, ang bulubundukin ng Sierra Madre ay nagsisilbing likas na tanggulan ng Luzon at unang depensa ng Pilipinas laban sa mga kalamidad na dulot ng pagbabago ng klima, partikular na ang malalakas na bagyo, ayon sa Climate Change Commission.
Ang pangalang Sierra Madre ay nangangahulugang “ina ng mga kabundukan” sa wikang Kastila. Itinuturing itong pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas o hanay o grupo ng magkakadikit o magkakasunod na bundok.
Saklaw ng kabundukan ang 10 lalawigan—mula Cagayan sa hilaga hanggang Quezon sa timog—kabilang ang Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, at Laguna.
Tinatawag din itong gulugod o “backbone” ng Luzon dahil sa pagiging tahanan ng maraming hayop at halaman. May humigit-kumulang 3,500 uri ng halaman sa Sierra Madre — 58% nito ay endemic o dito lamang sa Pilipinas matatagpuan. Nagsisilbi rin itong carbon sink, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 1.4 milyong ektarya.
Tumutulong din itong protektahan ang mga tao sa matinding lagay ng panahon. Dahil dito, mas nabibigyang-oras ang mga mamamayan na makapaghanda.
Nakakatulong din ang kagubatan sa kabundukan na sipsipin ang rainwater upang maiwasan ang pagbaha.
Sa kabilang banda, bagama't pinapahina ng Sierra Madre ang lakas ng bagyo kapag nag-landfall, hindi naman ibig sabihin nito na hindi na magpapatuloy ang bagyo o bigla na lamang mawawala, at hindi na makapamiminsala sa iba pang lugar; pero malaking bagay na napahina nito ang lakas ng bagyo.
BASAHIN: Backbone ng Luzon: Paano nagiging 'panangga' ang Sierra Madre kontra bagyo?