Ipinanawagan ni Catanduanes Gov. Patrick Azanza ang pangangailangan ng kaniyang mga residente nitong Lunes, Nobyembre 10, matapos ang pananalanta ng bagyong Uwan sa Catanduanes.
“Alam po ng lahat na daanan talaga kami ng bagyo, pero ito pong super typhoon Uwan, kakaiba dahil pinaghalo po ‘yong malakas na ulan, malakas na hangin, at may kasamang storm surge,” saad ni Azanza sa isang panayam sa media.
Ibinahagi rin niya na dahil dito, lumubog sa baha ang maraming barangay at munisipyo sa Catanduanes, kasabay ang pagkakaroon ng landslide ilang parte ng probinsya, at pagkasira ng seawall.
Sa kasalukuyan, maraming mga residente ang nangangailangan ng yero, pako, at plywood para maisaayos ang kaniang mga nasirang bahay.
“Marami pong nangangailangan ng yero, plywood, mga pako, dahil ang daming totally at partially damaged houses dahil sa pagsalanta ng super typhoon,” saad ni Gobernador.
Nanawagan din siya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para balikan ang pag-issue ng environmental clearance sa ilang mga kompanya sa Catanduanes.
“Nananawagan din kami sa DENR na reviewhin ‘yong pag-issue ng environmental clearance sa ilang mga kompanya, lalo na ‘yong may nagpapagawa ng mall dito, na malapit sa Gogon Centro, siyang itinuturo na isang malaking dahilan kung bakit ang pagbaha ay kakaiba,” ani Azanza.
Binanggit din ni Azanza na ang prepositioned 19,000 food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay kulang pa sa tinatayang 90,000 residente na nawalan ng bahay dahil sa bagyo.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang Gobernador kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian para sa pagdalaw at pagbibigay ng tulong sa mga Catandunganon.
Nakapagpadala na rin daw ng 37 Starlink units si Department of Information and Communications Technology Sec. Henry Aguda para maibalik ang komunikasyon at internet sa probinsya, matapos ang malawakang blackout dito.
Sa kaugnay na ulat, ibinahagi naman ni Mayor Jennifer Marasigan Tuplano na nangangailangan din ng malinis na tubig inumin at mga gamot ang maraming residente matapos ang pagguho ng water supply system sa Viga, Catanduanes.
“Sa ngayon po talaga ang pinaka-kailangan namin ay tubig - potable water - tapos kung maari makapagpadala ng maraming gamot sa amin kasi maraming bata ang na-displaced. Mga nilalagnat. Tapos po ‘yung mga senior citizens na meron pong mga maintenance dahil highblood. Yun po kasi totally wasak ang mga bahay ang kulang na din po ang pondo ng LGU para makabili ng mga gamot at saka mga pagkain,” ani Tuplano.
Sean Antonio/BALITA