Nagpahayag ang Malacañang na kailangan muna nilang aralin ang isyu ng mga lokal na opisyal na umalis ng bansa kahit pa nagbaba na umano ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng isang memorandum hinggil dito.
Sa inilabas na Memorandum Circular (MC) No. 2025 - 110 ng ahensya kamakailan, ipinag-utos ang suspensyon ng mga “official and unofficial foreign travel” ng mga appointed at inihalal na lokal na opisyal ng gobyerno na sasapit sa petsang Nobyembre 9 hanggang 15.
Ito ay upang masiguro ang patuloy na pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Tino, at ang paghahanda naman sa pagdating ng super bagyong Uwan.
Photo courtesy: Department of the Interior and Local Government
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Nobyembre 10, nilinaw ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na hindi rin agad sasabihin ng Palasyo na may sala na ang mga naturang opisyal.
“Unang-una po ay kailangan muna itong ma-assess, ano ba talaga ang kanilang pakay papunta sa ibang bansa, at kung ito po ba talaga ay nakaapekto sa mabilisang pag-aksyon para sa mga kababayan natin na nakaranas ng hagupit ng bagyo,” ani Usec. Castro.
“Hindi po natin agad-agad itong masasabi na sila ay may sala na, kailangan po pag-aralan muna,” aniya pa.
“Kaya nga po, titingnan po muna natin at ito naman po ay nasa pamumuno ni Secretary Jonvic Remulla. Tingnan po natin at kung paano sila mag-eexplain na despite that na may memorandum, sila po ay umalis ng bansa,” saad pa ng press officer.
Samantala, usap-usapan naman ngayon ang Isabela Province Governor na si Rodolfo Albano III matapos umugong ang usaping siya ay lumipad patungong Germany bago pa man manalasa sa kanilang lalawigan ang super bagyong Uwan.
KAUGNAY NA BALITA: Isabela governor, lumipad sa Germany bago pananalasa bagyong Uwan?-Balita
Matatandaang kamakailan lang din, naghimutok ang netizens hinggil sa lumabas na isang litrato na nagpapakita ng “travel authority” ng ilang mayors mula sa Cebu, bago manalasa sa Kabisayaan ang bagyong Tino.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Travel authority' ng ilang Cebu Mayors bago ang pananalasa ng bagyong Tino, pinutakti ng netizens
Vincent Gutierrez/BALITA