Mainit ngayon sa mata ng publiko si Isabela Province Gov. Rodolfo Albano III dahil sa usap-usapang pag-alis umano nito sa bansa bago dumating ang super typhoon Uwan.
Dahil dito, binigyang-linaw naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic sa panayam niya sa ABS-CBN News Channel (ANC) nitong Lunes Nobyembre 10, na batid daw niyang nakatakdang dumalo si Albano sa isang Agricultural Fair sa Germany.
“I don’t have the record for sure but noong nakausap ko siya, he was attending an Agri fair in Germany and he applied for a travel leave a month ago pa,” giiit ni Remulla.
Dahil rito, sinabihan daw ni Remulla si Albano na umuwi na sa bansa at nangako naman ang gobernador na babalik sa lalo at madaling panahon.
Sa kabila nito, pinuri naman ni Remulla ang pagiging handa ng Isabela sa paparating noon na super typhoon Uwan sa pangunguna ni Vice Gov. Francis Faustino "Kiko" A. Dy.
“Credit naman to the Isabela Officials, we were in contact with during the OCD meetings, handang handa naman ‘yang vice governor niya,” aniya.
Pagpapatuloy ni Remulla, taon-taon daw talagang dumadalo si Albano sa Agricultural Fair sa Germany para na rin sa ekonomiya ng Isabela.
“I remember signing his travel leave a month ago kasi may malaking Agri fair sa Germany and yearly pinupuntahan niya talaga ‘yon[...]” saad ni Remulla.
Ngunit titingnan pa rin daw ni Remulla kung totoong umalis si Albano sa bansa noong Biyernes, Nobyembre 9, 2025.
“We will find out kung umalis talaga siya on the seventh (of November). Kasi nakausap ko siya, Sabado, [November] 8, e[...] sabi niya, he would get the first ticket home. So I do not know if he left on the seventh. I would check the BIB [Bureau of Immigration Border Stamps] ‘yong record nila and then we will deal with it,” paliwanag ni Remulla.
Nilinaw rin ni Remulla na maipapakita niya ang application for leave ni Albano sa publiko ngunit ang Bureau of Immigration na raw ang makapagbibigay ng tala ng pag-alis sa bansa ng nasabing gobernador.
Bago nito, matatandaang pumanting na rin ang tainga ng publiko sa naging pahayag ni Albano sa isang panayam sa One Balita Pilipinas noong Biyernes, Nobyembre 7, 2025 kung saan sinabi niya na kailangang “chill lang” umano sila sa paparating noong super typhoon Uwan.
“Sa akin, cool lang. Kumbaga chill. Total wala naman tayong magagawa kasi talagang papunta ‘yong bagyong ‘yan. Wala namang makakahinto niyan kung hindi Diyos lang[...] at ipinagdarasal lang namin, sana nasa taas ‘yong hangin at ‘wag sanang magdulot ng maraming pinsala,” saad niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag si Albano kaugnay sa mga usaping ito tungkol sa kaniya.
MAKI-BALITA: Bagyong Uwan, humina at wala na sa kalupaan
MAKI-BALITA: Higit 7K pasahero sa mga pantalan, stranded dahil sa hagupit ni ‘Uwan!’
Mc Vincent Mirabuna/Balita