Nakapagtala na ng dalawang casualties mula sa Catanduanes at Samar ang Office of Civil Defense (OCD) umaga ng Lunes, Nobyembre 10, dahil sa pananalasa ng bagyong Uwan.
Ayon kay OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, isa sa mga naitalang nasawi ay mula sa Viga, Catanduanes, dahil sa pagkalunod, habang ang isa naman ay natabunan ng mga bumagsak na istraktura mula sa Catbalogan City, Samar.
Mayroon na rin daw naitalang dalawang sugatan, mula sa Bato, Catanduanes, at Calinog, Iloilo.
Ayon naman sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 230,955 pamilya o 836,572 indibidwal na ang naapektuhan ng bagyong Uwan sa 2,710 barangay mula sa mga rehiyon 2, 4A, 5, 6, 8, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga.
Mayroon namang 91,675 pamilya o 317,691 indibidwal ang kasalukuyang nasa 6,069 evacuation centers.
Habang 49,593 pamilya o 164,923 indibidwal ang naninirahan sa kanilang mga kaanak o makeshift shelters.
Ayon din sa initial report ng ahensya, 1,085 na kabahayan na ang naitalang napinsala, kabilang ang 89 na totally damaged at 996 na partially damaged, mula sa mga rehiyon 6, 9, and 13.
Sa kaugnay na ulat, nakapagtala ng 7,213 mga stranded na pasahero, truck drivers at cargo helpers sa mga pantalan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang 4 AM to 8 AM Maritime Safety Advisory.
Sa bilang din na ito, kabilang ang mga kasalukuyang stranded na 3,663 rolling cargoes, 171 vessels, at 28 motorbancas.
KAUGNAY NA BALITA: Higit 7K pasahero sa mga pantalan, stranded dahil sa hagupit ni ‘Uwan!’
Bagama’t wala na sa kalupaan ang bagyong Uwan, ayon sa 8:00 AM weather update ng PAGASA, pinaalala ni Alejandro na may mga badya pa rin itong panganib dala ng mga patuloy na pag-ulan sa ilang rehiyon.
“Hindi pa po tapos ang bagyong Uwan bagama’t lumampas na po siya. May panganib pa rin ng mga ulan sa ilang lugar,” aniya.
KAUGNAY NA ULAT: Bagyong Uwan, humina at wala na sa kalupaan
Sean Antonio/BALITA