December 12, 2025

Home BALITA National

'Hindi kailangang batikusin!' Malacañang, sinabing paunang tulong daw ang ipinamahaging ₱760M; pareho sa dating admin

'Hindi kailangang batikusin!' Malacañang, sinabing paunang tulong daw ang ipinamahaging ₱760M; pareho sa dating admin
Photo courtesy: RTVM/YT


Nagpahayag ang Palasyo na hindi umano kailangang batikusin ang tulong na ipinamamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga nasalanta ng bagyo kamakailan.

Kaugnay ito sa mga bumabatikos hinggil sa pahayag ni PBBM na siya ay magbibigay ng tulong-pinansyal na ₱5,000 para sa mga pamilyang may bahay na partially-damaged, at ₱10,000 naman para sa mga totally-damaged.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Nobyembre 10, isiniwalat ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na ito raw ay pareho sa halagang ipinamahagi ng nakaraang administrasyon.

“Hindi po kailangang batikusin dahil noong nakaraang administrasyon, ganyan din po ang halaga na ibinigay na paunang tulong. Ito po ay paunang tulong, tandaan po natin, ang Pangulo po ay nagbigay na po ng ₱760 milyon sa mga apektado na lugar na sinalanta ng bagyong Tino,” ani Usec. Castro.

“Ang pagbibigay na ito ay pansamantala pong ibininigay sa ating mga kababayan, para mayroon po silang panggastos, at sinabi po ng Pangulo na ito ay ongoing at patuloy po ang pagtulong. Kinakailangan po na ‘yong iba ay ma-relocate dahil po sila ay nasa 'No Building Zone,’” aniya pa.

Nilinaw din ng press officer na magkaiba ang tulong na ibinibigay ni PBBM sa bawat pamilya, at sa pondong ibinibigay niya sa bawat lokal na pamahalaan.

“So ‘yon po ay agarang pagtulong po. Ibig sabihin, ang binibigay na cash assistance po ay pagtulong po sa pamilya. Iba po ‘yong binibigay mismong tulong ng Pangulo, ang pondo mismo sa mga LGUs, para po maka-recover ang nasabing lugar,” paglilinaw ng press officer.

Siniguro din ni Usec. Castro na ang pagtulong ng administrasyon ay “continuing,” kung saan hindi umano doon nagtatapos ang pagtulong ng Pangulo.

Matatandaang kamakailan, inilahad ng PCO na makakatanggap umano ang ilang probinsya ng tulong pinansyal mula sa Pangulo dulot ng paghagupit ng bagyong Tino.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Saan-saang mga lugar napunta ang ₱760M financial aid ng OP bunsod ni 'Tino?'

Vincent Gutierrez/BALITA