December 13, 2025

Home BALITA

'Hindi bagyo ang sakuna sa Pilipinas!' Luke Espiritu, kinumpara disaster preparedness ng bansa sa Vietnam, Cuba

'Hindi bagyo ang sakuna sa Pilipinas!' Luke Espiritu, kinumpara disaster preparedness ng bansa sa Vietnam, Cuba
Photo courtesy: Luke Espiritu/FB, via Balita


Kinumpara ni labor leader na si Atty. Luke Espiritu ang disaster preparedness ng Pilipinas sa bansang Vietnam at Cuba, matapos humagupit ang bagyong Tino sa ilang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao kamakailan.

Aniya, napakalaki raw ng pinagkaiba ng Pilipinas sa mga bansang nabanggit, na kapwa raw pinamumunuan ng gobyerno ng manggagawa.

Sa ibinahaging Facebook post ni Espiritu noong Linggo, Nobyembre 9, pinagkumpara niya ang flood control budget ng tatlong bansa, na naging mahalagang salik sa mga hinarap na kalamidad ng mga naturang nasyon.

“Ti[n]gnan ang naging casualties ng dalawang nagdaang supertyphoon na nanalasa sa magkabilang panig ng mundo—ang Hurricane Melissa sa Atlantiko at Typhoon Tino (Kalmaegi) mula sa Pasipiko. Napakalaki ang pinag-iba ng Pilipinas—na nagbuhos ng ₱350 bilyong sa flood control projects ngayong 2025—sa bansang Cuba at Vietnam, na kapwa pinamumunuan ng Gobyerno ng Manggagawa,” panimula ni Espiritu.

“Sa Vietnam, sulit ang ₱330 bilyong na flood control budget nila sa 2025. Bagamat malawak ang pinsala ng Bagyong Tino doon, maraming buhay ang naligtas, at mabilis na nasolusyonan ang baha at pinsala ng bagyo. Higit sa lahat, mayroon silang gobyernong nakasandig sa lakas ng masa, kung kaya't mabilis at mabisa ang pagsolusyon ng mga sakuna doon sapagkat pinalalakas nila ang kapasidad ng bawat komunidad na harapin ito,” pagpapatuloy niya.

“Sa Cuba naman, nasa ₱1.8 bilyong piso lamang ang badyet nila para sa disaster preparedness mula pa noong 2021, na karamihan ay mula pa sa international grant (sapagkat iniipit ng Amerika ang kanilang ekonomiya dahil sa polisiya ng embargo). Sulit na sulit ang bawat piso para maproteksyonan ang kanilang mamamayan. At hindi nakasalalay sa flood control budget ang kanilang pagtugon sa sakuna. Komprehensibo ang programa ng Cuba para sa ‘climate mitigation and adaption’ kung saan mas inuuna ang pagpapalawak ng mga likas na panangga sa bagyo (gaya ng mangroves, bakawan, at marine ecosystem), pagkumpuni sa agrikultura, at ang pagpanday ng bayanihan sa pagitan ng gobyerno at mamamayan, may sakuna man o wala,” saad pa ni Espiritu.

Tahasan din niyang sinabi na may “obsesyon” sa imprastraktura ang mga pinuno sa bansa, at wala umano itong komprehensibong pagpaplano sa pagpapalakas ng komunidad.

“Samantalang sa Pilipinas, may obsesyon ang mga pinuno sa imprastraktura, budget insertions/unprogrammed funds, at pamamahagi ng delatang relief goods bilang tugon sa sakuna. Walang komprehensibong pagpaplano at pagpapalakas ng mga komunidad at proteksyon sa agrikultura at kagubatan SAPAGKAT WALANG MAKUKUHANG KICKBACK SA TOTOONG MGA SOLUSYON SA SAKUNA,” aniya.

“Ganito kabulok ang disaster preparedness ng Pilipinas dahil puro trapo at dinastiya ang mga nakaupo, na puro mga korap. Hindi gaya sa Cuba at Vietnam na MANGGAGAWA at masa ang may kapangyarihan,” dagdag pa ng labor leader.

“Hindi bagyo ang sakuna sa Pilipinas, kundi gobyerno. At habang lumalaban tayo para hindi tuluyang magunaw ang daigdig dahil sa climate change, paigtingin din natin ang laban kontra korapsyon. Pero huwag tayong tumigil doon. Ipaglaban natin ang totoong solusyon para hindi na magkandaleche-leche ang ating kinabukasan. Ang solusyong ito ay ang Gobyerno ng Masa gaya ng halimbawa ng Vietnam at Cuba,” pagtatapos niya.

Photo courtesy: Luke Espiritu/FB

Samantala, sa bisa ng Proclamation No. 1077, ikinasa naman kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang taong “State of National Calamity” bunsod ng dalang epekto ng paghagupit ng bagyong Tino sa ilang probinsya sa Kabisayaan.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, kinasa 1 taon 'state of national calamity' dahil sa bagyong Tino-Balita

Matatandaang naging senatorial candidate si Atty. Espiritu noong mga taong 2022 at 2025, ngunit siya ay hindi pinalad na manalo.

Vincent Gutierrez/BALITA