Nakatakdang magsagawa ang Diocese of Antipolo ng second collection para sa mga biktima ng bagyong Tino at ng Super Typhoon Uwan, na magkasunod na nanalasa sa bansa.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, ang second collection ay isasagawa sa lahat ng banal na misa na idaraos sa mga parokyang nasasakupan nila sa Nobyembre 16.
Anang obispo, layunin ng hakbang na maibsan ang pagdurusa ng mga biktima ng bagyo na marami ang nawalan ng tahanan, ari-arian, habang ang ilan ang nawalan ng mga mahal sa buhay.
“God is present — in the hands that help, in the tears that comfort, in the prayers that rise. Let us keep proclaiming this hope. Let our churches ring with songs of courage. Let our homilies speak,” pahayag pa ni Santos, sa church-run Radio Veritas.
Nabatid na sa Antipolo, kabilang din sa ginagawa ng diyosesis ang paghahanda ng mga sasakyan at mga bangka upang magdala ng tulong, tulad ng pagkain, at gamot sa mga lugar na napinsala ng bagyo.
Bukas din ang mga kapilya, chapel at ilang institusyon ng Diocese ng Antipolo bilang pansamantalang masisilungan ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo.
“When we see others helping despite their own struggles, it inspires us to do the same,” ayon kay Bishop Santos.