Muli na namang napag-usapan ang kahalagahan ng Sierra Madre matapos manalasa ang super typhoon Uwan sa bahagi ng Luzon maging sa Visayas at ilang lugar sa Mindanao.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), as of 7:00 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo sa 125 kilometers west northwest ng Bacnotan, La Union. Taglay ang lakas ng hangin na papalo sa 15 kph at pagbugsong 230 kph.
Ayon sa panayam ng ABS-CBN News, sa gitna ng pananalasa, sinabi ni PAGASA forecaster Aldczar Aurelio na malaking tulong ang Sierra Madre sa pagpapahina ng bagyo.
Ayon sa kaniya, ang bagyo ay parang higanteng umiikot na hangin: may mga hangin na papunta sa gitna, at may mga hangin na paikot. Kapag walang bundok na humaharang, tuloy-tuloy ang galaw ng hangin papunta sa sentro ng bagyo kaya nananatiling malakas ito.
Pero kapag may bundok na tulad ng Sierra Madre, nagkakaroon ng sagabal o disturbance. Nahihinto o nababago ang direksiyon ng hangin na sana’y papunta sa gitna ng bagyo. Dahil dito, unti-unting humihina ang ikot at lakas nito habang dumadaan sa kabundukan.
"Siya 'yong panangga sa malalakas na bagyo kasi isang parte ng bagyo ay 'yong hangin na papunta sa gitna... Kapag mayroong bundok, nagkakaroon ng disturbance so 'yong hangin na papunta sa gitna ay hindi nangyayari dahil nahaharang... Unti-unting hihina ang bagyo," aniya pa.
Sa madaling salita: bagyo + mataas na bundok = humihinang hangin at ulan.
Matagal na itong pinatutunayan ng mga eksperto sa mga nagdaang bagyo, kaya paulit-ulit nilang paalala na alagaan ang Sierra Madre.
Umaabot sa 6,283 talampakan ang taas at humigit-kumulang 540 kilometro ang haba, ang bulubundukin ng Sierra Madre ay nagsisilbing likas na tanggulan ng Luzon at unang depensa ng Pilipinas laban sa mga kalamidad na dulot ng pagbabago ng klima, partikular na ang malalakas na bagyo, ayon sa Climate Change Commission.
Ang pangalang Sierra Madre ay nangangahulugang “ina ng mga kabundukan” sa wikang Kastila. Itinuturing itong pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas o hanay o grupo ng magkakadikit o magkakasunod na bundok.
Saklaw ng kabundukan ang 10 lalawigan—mula Cagayan sa hilaga hanggang Quezon sa timog—kabilang ang Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, at Laguna.
Tinatawag din itong gulugod o “backbone” ng Luzon dahil sa pagiging tahanan ng maraming hayop at halaman. May humigit-kumulang 3,500 uri ng halaman sa Sierra Madre — 58% nito ay endemic o dito lamang sa Pilipinas matatagpuan. Nagsisilbi rin itong carbon sink, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 1.4 milyong ektarya.
Tumutulong din itong protektahan ang mga tao sa matinding lagay ng panahon. Dahil dito, mas nabibigyang-oras ang mga mamamayan na makapaghanda.
Nakakatulong din ang kagubatan sa kabundukan na sipsipin ang rainwater upang maiwasan ang pagbaha.
Sa kabilang banda, bagama't pinapahina ng Sierra Madre ang lakas ng bagyo kapag nag-landfall, hindi naman ibig sabihin nito na hindi na magpapatuloy ang bagyo o bigla na lamang mawawala, at hindi na makapamiminsala sa iba pang lugar; pero malaking bagay na napahina nito ang lakas ng bagyo.
Sa simpleng paliwanag ng iba't ibang eksperto mula sa PAGASA, ganito ang nangyayari kung paano napapahina ng Sierra Madre ang mga bagyong tumatama rito:
1. Galing sa dagat ang bagyo.
Dito kumukuha ng lakas dahil mainit ang tubig ng Karagatang Pasipiko. Habang nasa dagat, kumukuha ng lakas ang bagyo.
2. Kapag tumama sa lupa o nag-landfall ang bagyo at bumangga sa Sierra Madre, nahaharang ang hangin.
Dahil mataas at mahaba ang bundok, nabubulabog ang ikot o daloy ng malakas na hangin na dapat sana’y pupunta sa gitna ng bagyo para palakasin ito.
3. Dahil nahihirapan ang hangin na umikot nang maayos, humihina ang bagyo.
Dahil dito, hindi na maayos ang ikot ng bagyo, kaya humihina ito. Parang umiikot na bentilador o electric fan na hinarangan, humihina ang ikot. Nababawasan ang puwersa ng hangin at lakas ng ulan.
4. Paglampas ng bagyo sa bundok, hindi na ito kasing lakas.
Kaya pag dumaan ang bagyo sa Sierra Madre, unti-unti itong humihina bago magpatuloy sa ibang bahagi ng Luzon.
PALIWANAG NG AMERICAN STORM CHASER
Gayunman, may mga paalala rin mula sa ilang dalubhasa sa bagyo, kabilang ang American storm chaser na si Josh Morgerman ng iCyclone. Ayon sa kaniya, totoong pinahihina ng Sierra Madre ang bagyo pagkatapos nitong tumama sa lupa o landfall.
Ibig sabihin, hindi nito lubos na napipigilan ang pagpasok ng malalakas na bagyo mula sa dagat. Sa katunayan, ang silangang baybayin, tulad ng Isabela at Aurora, ay patuloy na nakararanas ng pinakamalakas na hagupit kapag may super typhoon.
Sa isang post niya sa Facebook, nilinaw ni Morgerman na hindi “shield” ang Sierra Madre na kayang pigilan ang bagyo bago ito tumama. Ngunit kapag ito’y dumaan na sa lupa at tumama sa kabundukan, doon nagsisimula ang paghina ng lakas nito.
"Many folks are posting misinformation about the Sierra Madre Mountains in the Philippines. Let me set the record straight: The Sierra Madre chain weakens typhoons *after* they make landfall on the east coast of Luzon. These mountains do *not* protect the east coast of Luzon, which regularly experiences some of the strongest tropical cyclone impacts in the world," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Josh Morgerman/FB
Sa huli, malinaw na may mahalagang papel ang Sierra Madre sa pagprotekta lalo na sa pagpapababa ng lakas ng bagyong tumatawid sa Luzon.
Pero hindi rin dapat kaligtaan na kailangan itong pangalagaan, mula sa illegal logging hanggang sa malalaking proyekto gaya ng pagmimina dahil kung masisira ang kabundukan, mababawasan ang natural na depensa natin laban sa mga bagyong tulad ni Uwan.
Lubusan mang panangga o hindi, malinaw pa ring dapat pangalagaan ang Sierra Madre at lahat ng kabundukan sa Pilipinas bilang likas na proteksyong kaloob ng Maykapal.